Mga menor sangkot sa heinous crimes
PITONG taon gulang lang ang nene. Ilang araw siya nawawala, hanggang itinuro ng di-kilalang texter sa kanyang magulang kung saan siya matatagpuan. Natagpuan ng mga kapitbahay at pulis ang naaagnas na bangkay sa estero malapit sa bahay. Ginahasa siya, saka nilunod.
Itinuro ng mga saksi ang dalawang lalaking nakitang huling kasama ng nene: isang 17-taon-gulang na istambay, at isang Grade 5 pupil. Kilala sila sa pook maralita nila na “Rugby boys,” nagpapa-high sa pamamagitan ng pagsinghot ng solvent.
Hindi pumalag sa pag-aresto ang dalawa. Agad sila umamin, at idinetalye sa mga imbestigador ang krimen. Kinidnap nila ang paslit na kapitbahay, dinala sa damu-han sa tabing estero, at minolestiya. Dahil nagdudugo ang ari ng bata, sinodomya nila siya. At dahil ayaw tumahan ng pag-iyak sa sakit, nilunod nila siya sa maduming tubig.
Hinabla sila ng pulis — pero hindi ipiniit. Ni hindi sila puwede pangalanan sa mga ulat pahayagan. ‘Yan ay dahil sa batas na nagkukubli sa mga menor de edad — miski sa mga karumal-dumal na krimeng kidnapping, rape at murder.
Isosoli ang suspects sa kanilang magulang, na malamang na hindi sila pagsabihan. Naging adik sila dahil sa kapabayaan ng magulang; malamang magpatuloy ang pagpapabaya sa kanila.
Maraming menor ang nasasangkot sa malalaking krimen. Nitong nakaraang taon maraming napabalitang mga kalaro na ginahasa at pinatay ng mga sabog na street children. Merong mga sumali sa pag-massacre at mala-ritwal na pagpupugot ng mga teroristang Abu Sayyaf. Merong mga sumapi bilang rebeldeng komunista o separatista. Merong ginagamit na lookout ng guns-for-hire.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending