NAKATUTOK ngayon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa limpak-limpak na kayamanan ni Sarangani Rep. at People’s Champ Manny “Pacman” Paquiao. Binabalak pang kasuhan ang ating pambansang kamao ng tax evasion.
Hindi ko batid ang situasyon ni Pacman kung nagdedeklara siya ng wastong buwis o hindi. Pero aniya, ang kanyang kinikita ay deklarado sa BIR at nagbabayad siya ng tamang buwis.
Pero dapat bigyan ng konsiderasyon ang taong ito na nagbigay ng napakalaking karangalan sa Pilipinas. Siya na nga lang ang sa tingin ko’y nagiging dahilan para hangaan at igalang ng mga dayuhan ang Pilipinas.
Kamakailan, nanawagan si Senator Ralph Recto sa gobyerno na huwag masyadong pag-initan ang kinikita ni Pacquiao sa Boksing.
Ayon kay Recto dapat lamang na bigyan ng “better treatment” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Pacquiao at hindi tama na palabasing isa itong tax evader.
Naniniwala ang Senador na di na dapat patawan ng buwis sa Pilipinas ang kinikita ni Pacquiao mula sa kaniyang mga laban sa Amerika dahil nagbayad na ito sa Internal Revenue Service (IRS).
Naniniwala ako na ang paglalagay ni Pacquiao sa Pilipinas sa mapa ng world community ay higit pa sa malaking revenue na kikitain kung bubuwisan ang kita niya. Bakit? Makatutulong ito sa pag-akit ng mga foreign investors dahil sa pamamagitan niya ay naibabalik ang tiwala ng business community sa bansa.
Kung ang mga Filipino workers sa ibang bansa ay hindi na pinapatawan ng tax, ganoon din dapat ang i-apply sa kaso ni Pacquiao na nagdala na ng maraming karangalan sa bansa. Sabi pa ni Recto, si Pacman ay isa ring maituturing na OFW dahil isa siyang “Overseas Fighting Wor-ker.”
Ikonsidera rin ang ma-laking tulong na naiaambag ni Pacman lalu na sa panahong sinasalanta ng kalamidad ang Pilipinas. Balita ko’y bumili siya ng ilang ektaryang lupain para paglikasan ng mga nawalan ng tahanan sa Mindanao kamakailan. Iyan lang ay malaking factor para ikonsiderang huwag nang buwisan ang isang taong nagpapala sa bansa.