EDITORYAL - Harmful chemicals sa beauty products

BAKA sa halip na gumanda ay pumangit o mas malala pa rito --- baka magkaroon nang matinding sakit na tataglayin habambuhay. Ito ay kung hindi magiging maingat at mapanuri ang mga kababaihan at kalalakihan sa ginagamit na beauty products.

Ayon sa American expert na si Ann Blake, member ng Green Ribbon Science Panel of California’s Environment Protection Agency na bumisita sa bansa noong nakaraang linggo, ang mga cosmetic products ay nagtataglay ng toxic substance. Ginawang halimbawa ni Blake ang lipstick na nagtataglay umano ng lead. Ang skin whitening ay mayroon umanong mercury at hydroquinone. Ang hair dye ay mayroong coal tar at formaldehyde.

Hindi lamang daw ang mga kababaihan ang nasa delikadong kalagayan kundi pati na rin ang kalalakihan sapagkat mismong sa ginagamit na sabon, shampoo at shaving cream ay mayroon ding mga harmful chemical na maaa-ring makaapekto sa kalidad ng kanilang sperm. Maaaring magdulot ng pagkabaog.

Binanggit ni Blake na ang sobrang exposure sa toxic substances ay nakasisira sa central nervous system, learning disabilities, Parkinson’s disease, Alzhiemer’s disease, juvenile diabetes at obesity.

Hindi dapat ipagwalambahala ang isiniwalat na ito ng isang expert.  Suriing mabuti ang mga beauty products at baka magdulot lamang ito ng kalbaryo sa buhay. Maghigpit naman ang gobyerno sa pagbibigay ng pahintulot sa mga gagawa ng produktong pampaganda. Imbestigahang mabuti ang mga ito. Hindi dapat isakripisyo ang kalusugan ng mamamayan.

Show comments