Kung may langis lang sana tayo!
ANO na ang gagawin natin sa halos walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel? May mga babala na hihigit pa sa P60 kada litro ang presyo ng gasolina kung hindi titigil ang pagtaas ng presyo ng langis. Ito ang pinaka-mataas na inabot ng presyo ng gasolina noong 2008, bago bumaba. Masyado nang umaasa sa langis ang mundo, kaya naman walang makapigil sa mga kumpanyang krudo, kasama na rin ng mga bansang may mga langis katulad ng Saudi Arabia, Venezuela at Iran na magtaas nang magtaas ng presyo! Sila na lang yata ang kumikita sa buong mundo habang lahat ay nagdudusa! Plano na ngang itaas ang fuel surcharge ng mga airlines dahil hindi na talaga kaya ang mataas na presyo. Kapag nangyari ito, mababawasan na ang mga bumibiyahe, partikular mga turista.
Ang susi sa krisis na ito ay ang Iran. May banta na ihihinto ng bansang ito ang apat na milyong bariles na binebenta sa mundo bawat araw, kung hindi sila titigilan ng Amerika at Israel hinggil sa kanilang programang nuclear. Nagbabangayan ang tatlong bansa dahil sa isyung ito. Ang Israel ay kaaway ng Iran, at ang Amerika ay kampi naman sa Israel. Ilang beses nang hinahamon ng Amerika ang Iran na isiwalat ang kanilang programang nuclear at buksan sa mga inspektor sa hinala na ito’y ginagamit para sa paggawa ng mga nuclear na armas at hindi para sa kuryente at ano pang mapayapang gamit. May dahilan maghinala ang Amerika. Matagal nang gusto ng Iran burahin mula sa mukha ng mundo ang bansang Israel, at nuclear na bomba ang tingin nilang sagot doon.
Wala pang indikasyon na mababawasan ang tensyon ng tatlong bansa. Kaya pataas nang pataas ang langis. Kung saan mauuwi ito, hindi pa alam. Nagbabanta na rin ang bansang Israel na sisirain nila ang mga nuclear facilities ng Iran sa pamamagitan ng pagbomba kung hindi sila makikipag tulungan sa mga inspektor. Alam natin na kayang gawin ng Israel iyan, kung para naman sa proteksyon ng kanilang bansa at mamamayan. Natural, hindi magpapatinag ang Iran. Kapag sinara nila ang kanilang tubo ng langis, siguradong krisis ang buong mundo! Kung may langis lang sana tayo, para kahit magkagulo na silang lahat, buhay pa rin tayo!
- Latest
- Trending