Ikinahihiya ang pangalan
SINA Romeo at Anita ay anak nina Johnny de la Cruz at Regina Santos. Sila ay mga menor de edad at parehong nasa elementary. Sa simula pa lang ay magulo na ang pagsasama nina Johnny at Regina. Babaero si Johnny at pinababayaan ang pamilya. Mahilig din siyang magwaldas ng pera. Dahil sa pagiging waldas, natuto siyang manloko ng tao. Nadiskubre ni Regina na may nauna nang kasal sa ibang babae si Johnny kaya sila naghiwalay. Si Johnny ang lumayas sa kanilang tahanan.
Ang mga illegal na gawain ni Johnny ay umabot sa korte. Patung-patong na kaso ng estafa ang isinampa laban sa kanya ng mga taong niloko. Ang pangit niyang reputasyon ay kumalat sa komunidad at nalaman pati ng mga kaklase nina Romeo at Anita. Tuloy. madalas tuksuhin ang dalawang bata tungkol sa tatay nilang manggagantso.
Gusto ni Regina na mabura na ang anumang koneksyon sa pagitan ng kanyang dalawang anak at sa walang kuwentang ama. Kaya hiningi niya sa korte na palitan ang apelyido ng dalawang bata mula sa “De la Cruz” pabalik sa “Santos”. Ang dahilan niya, inabandona raw sila ni Johnny, manloloko o estapador pa, at lumalabas na pangalawang pamilya lang sila dahil may nauna na itong pinakasalan. Iyon nga lang, wala siyang maipakitang katibayan na ipinawalang-bisa ang kanilang kasal o nadeklara man lang itong “bigamous”. Puwede bang papalitan ni Regina ang apelyido ng mga anak?
HINDI PUWEDE. Ipinapalagay sa ilalim ng batas (Art. 364 New Civil Code) na lehitimong anak sina Roberto at Anita kaya nararapat lang na taglayin ng dalawang bata ang apelyido ng kanilang ama. Sa kasong ito, menor de edad pa ang dalawa kaya dapat ikunsidera ng korte kung ang pagpapalit ba ng kanilang apelyido ay makabubuti o makasasama sa kanila.
Kung papayagan ang pagpapalit ng kanilang apelyido, mawawala ang pruweba na lehitimong anak sila o ang “prima facie evidence of paternal ancestry”. Magkakaroon ng kalituhan kung sino ba talaga ang kanilang ama. Baka lumabas pa na magmukha silang anak sa labas. Nararapat lang na sa paglipas ng panahon ay makilala nila kung sino ang kanilang mga magulang. Kung tumuntong na sila sa hustong edad, may kakayahan na sa pagdedesisyon at naiintindihan na nila ang lahat ng sirkumstansiya ay gusto pa rin nilang papalitan ang kanilang apelyido at ang gamitin na lang ay ang apelyido ng kanilang ina, sila na mismo ang dapat na humingi nito sa korte (Naldoza vs. Republic, 112 SCRA 568).
- Latest
- Trending