Suntok uli sa buwan?
ANG ibig ng transport sector ay alisin ang 12 porsyentong buwis sa petrolyo. Kumbaga’y panangga sa walang tigil na pagtaas sa halaga ng oil products. Kaya hayan, isa na namang transport strike ang nakakasa sa araw na ito.
Ngunit bawasan man o tuluyang alisin ang buwis, hindi rin mapipigil ang pagtaas sa halaga ng imported crude oil. At sa bilis ng pagtaas, mababalewala rin ang pag-aalis ng buwis.
Lahat tayo’y apektado ng problema pero nalulungkot lang ako dahil sa paulit-ulit na welga, wala pa ring nangyayaring positibo. “Skyrocketing” pa rin ang presyo ng krudong langis. Palagi na lamang ba tayong susuntok sa buwan?
Nangunguna sa welga ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON). Kinukondena nila ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Binabatikos ang kawalang aksyon ng administrasyon para maresolba ang problema.
Ayon kay George San Mateo national president ng Piston, bukod sa transport caravan na gaganapin nga-yong umaga mula sa QC Memorial Circle, lulusubin nila ang mga opisina ng Big Three Oil Companies. Kakalampagin sa pagiging manhid sa walang awat na oil price hikes. Ang aksyong ito ay sasabayan ng kanilang mga kaalyadong grupo sa iba’t ibang lalawigan.
Talaga namang walang humpay ang pagtaas ng presyo ng krudo sa world market, bagay na wala tayong magagawa. Dapat lang gawin ng pamahalaan ay pakasuriin kung ang inilalapat na price increase ng mga kompanya ay akma sa pagtaas ng presyo sa pandaigdig na merkado.
Walang panandaliang remedyong magagawa sa problema maliban na lang kung makatuklas tayo ng balon ng langis sa bansa na tutugon sa kabuuan nating pangangailangan.
Dapat sigurong gawin ay apurahin ang pag-develop ng alternatibong ma pagkukunan ng fuel para sa mga makinarya at sasakyan para hindi na tayo umaasa sa imported na krudo ng mga Arabo. Habang nakasandal tayo sa supply ng krudo ng mga dayuhan, magtitiis tayo sa mataas na presyo ng petrolyo.
- Latest
- Trending