ITONG huling ibabahagi ko mula sa panayam ko kay Suze Orman, isang personal financial expert na kilala sa buong mundo, ang pinakamahirap tanggapin o kaya’y kontra o masakit sa paniniwala nang marami, base sa klase ng kultura natin. Naikuwento niya na nagtaka siya sa isa niyang staff na Pilipino, kung bakit hindi na umuuwi ng Pilipinas. Ang naging dahilan ng kanyang staff, ay kung uuwi siya sa bansa, hihingan lang naman siya ng pera, at wala nang iba. Wala na rin siyang naipon para sa sarili niya sa lahat ng taon na nagtrabaho siya sa Amerika, dahil halos lahat ay pinadadala niya sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Sa madaling salita, natabangan na rin, matapos ang ilang taon, o dekada pa nga ng ganyang sistema.
Nalungkot daw nang husto si Orman sa pahayag ng kanyang staff. Pero alam din niya na ganito nga ang kultura sa ating bansa, kung saan marami sa ating mga kababayan ang nangingibang bansa para magtrabaho, para sa ikagiginhawa ng kanyang pamilya dito sa Pilipinas. Mga bagong bayani nga ang ating mga OFW, dahil bukod sa kanilang tulong sa kani-kanilang pamilya, natutulungan din ang ekonomiya sa pagpapadala ng dolyar. Pero sa opinyon ni Orman, dito nagkakaproblema.
Ang nangyayari, umaasa na lang ang marami, hindi lahat, sa perang pinadadala na lamang ng mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ibang bansa, at hindi na sumisikap na magtrabaho para kumita ng sarili. Sa madaling salita, naghihintay na lamang ng grasya. Kaya naman kapag nawala na ang grasya – magkasakit ang kamag-anak, mawalan ng trabaho o mas masama, mamatay – wala nang masasandalan, wala nang mapupuntahan. Wala ring ipon dahil halos lahat pinadadala nga sa mga kamag-anak, na hindi rin naman nag-iipon at ginagastos na lang! Ilang beses ko nang narinig ang ganyang sitwasyon. Lahat umasa sa isa o dalawang tao lamang para kumayod, para sa buong pamilya. Kapag hindi na kaya o nagkasakit na, problema na. Ang masama pa, nasisisi pa yung nagpapadala ng pera kung bakit hindi nag-ipon! Dahil nasanay nang hinuhulugan na lang ng grasya, hindi na alam ang gagawin sa buhay kapag nawala na.
Hindi daw dapat ganito, ayon kay Orman. Kung magpapadala, hindi dapat lahat. Kailangan nagtatabi para sa sarili, para sa emergency, para sa pagretiro. Kung sino ang nagtatrabaho siya dapat ang unang nakikinabang sa kanyang paghihirap. Sino nga naman ang mag-aalaga rin sa iyo kapag nagkasakit na at hindi na makatrabaho? Kung may sobra, mabuti. Eh kung wala? Dito na siguro iiling ang marami dahil nasa kultura nga natin ang tumulong sa kamag-anak, kahit wala nang maitulong. Kailangan na rin baguhin ang pag-iisip na iyan. Kailangan sabihin na kung hindi magtatrabaho, hindi ka kakain! Hindi naman daw masamang sabihin iyon, sa kahit saang kultura.
Madaling sabihin, napakahirap gawin. Ito ang mga payo ni Orman. Tama naman lahat, may saysay at katotohanan. Mahirap lang din dahil sa kulturang likas sa atin. Pero wala naman masama sa pagsubok sa kanyang pinayo. Sana may naibahagi rin siya sa inyong lahat.