Editoryal - Nasaan ang magulang ng mga batang babae?
SUNUD-SUNOD ang panggagahasa at pagpatay sa mga batang babae? Karumal-dumal ang ginawa sa mga kawawang bata. At maitatanong kung nasaan ang ama at ina ng mga batang ito at bakit sila napasakamay ng mga kampon ng demonyo? Bakit hinayaan silang mabitbit ng mga hayok sa laman?
Masahol pa sa demonyo ang mga gumahasa at pumatay sa 7-anyos na si Arnieca Abando ng Paco, Manila. Natagpuan ang kanyang bangkay sa isang bahay sa Sta. Mesa, Manila. Binigti ang bata. Hubad ang pang-ibabang damit at duguan ang maselang bahagi ng katawan. Nahuli na ang mga suspek at inamin na sila nga ang pumatay at gumahasa sa bata. Ang dalawa ay mga drug addict. Binigyan umano ng tinapay ang bata at naisama sa Sta. Mesa. Doon isinagawa ang karumal-dumal na panggagagasa at pagpatay.
Nasaan ang mga magulang ni Arnieca? Bakit hinayaan itong matangay ng mga demonyo?
Bago ang panggagahasa at pagpatay kay Arnieca, isang 7-anyos na batang babae ang dinukot, ginahasa at pinatay sa Bgy. San Dionisio, Parañaque City. Ang bata ay nakilalang si Clariza Pizara. Pagkatapos gahasain si Clariza, nilunod ito sa creek at hinayaan doon kasama nang maraming water lilies. Pagkatapos gawin ang karumal-dumal na pagpatay, tinext pa ng mga suspect ang mga magulang ng bata at sinabing matatagpuan sa creek na maraming water lilies ang bata.
Naaresto na ang dalawang suspect at kinasuhan pero hindi maaaring ikulong dahil mga menor-de-edad. Ang isa ay 17-anyos samantalang ang isa pa ay nasa Grade 5. Inamin ng mga suspect na sila ay nasa impluwensiya raw ng shabu nang gawin ang krimen. Kilala raw nila ang bata. Nakatira raw ito sa isang squatter’s area sa Bgy. San Dionisio.
Nasaan ang mga magulang ng batang babae at hinayaang matangay ng dalawang addict? Bakit hindi nila binantayan ang anak na babae?
Sisihin ang paglaganap ng droga sa bansang ito. Sisihin din ang kawalan ng proteksiyon mula sa mga alagad ng batas. At ang dapat sisihin nang sobra-sobra ay ang mga magulang sapagkat hinayaan ang kanilang anak. Maraming magulang na ganito sa kasalukuyan. Sana, magbago na sila.
- Latest
- Trending