Masama ang pulitika

Maganda ang ating bansang Pilipinas

mayaman ang bukid sa butil ng bigas;

Mayaman sa isda ang ilog at dagat

kayamanang likas nasa bundok gubat!

Subalit ang dito ay hindi maganda –

marami ang taong masama ang pita;

Mga walang-modo, mga hampas-lupa

mga magnanakaw – walang kaluluwa!

Mayamang pamilya’y lalong yumayaman

sapagka’t sa pera sila ay gahaman;

Sa buhay ng kapwa walang pakialam

kaya mga dukha sa hirap ay gapang!

At saka dito ri’y nagkalat ang bisyo –

may manyak sa droga, pumatay ng tao;

Pinakamasama – mga pulitiko

Basta’t may halalan kumakandidato!

Itong pulitika ang pinakamalubha

sapagkat ang bayan napapariwara;

Ang ama at anak, kapatid, asawa

kilalang masama ibinuboto pa!

Dahil ang pamilya ay sobra ang yaman

sa yamang nakuha sa pagkaduhapang –

Ang botante’y binibili lamang

kahit walang dunong ay kinakampihan!

Mga kandidatong matapat marunong

ay hindi mahalal dahil walang datung;

Mga kandidatong naglider na noon

kapit-tuko pa rin sa dating posisyon!

Mga pulitikong magaling mag-magic

sa ginustong pwesto ay hindi maalis;

Sa maraming kaso kahi’t nakasabit

dahil sa mapera iboboto ulit!

Kaya itong bansa kahit na maganda

ay nagiging pangit sa mata ng iba;

Kung malinis lamang ating pulitika –

itong ating bansa’y maganda’t sagana!

Show comments