KAHAPON muling sinubukan na naman ang kakayahan ng Quezon City Police Department ng mga kilabot na riding-in-tandem matapos mapatay ang isang asset umano ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa kanto ng St. Paul at Sto. Rosario, Barangay Holy Spirit, Quezon City. Maging ang anak na estudyante ni Fernando Corpuz na si Fernan at maging ang kapitbahay na si Simplicio Yoma ay hindi pinatawad ng mga salarin. Sa ngayon todo hinagpis ang nadarama ng mga kapamilya ng mga napaslang nang magkulang na naman ang mga pulis ni Chief Supt. Mario Dela Vega. Ayon sa bulung-bulungan may hinala sila na mga pulis din ang tumumba sa mag-amang Corpuz na ikinadamay ni Yoma. Lumalabas na paghihiganti ang motibo ng pagpatay kay Fernando. Mukhang walang pinagbago sa nakaraang liderato ang QCPD kaya dismayado na naman ang taga-QC.
Mantakin n’yo, nagawa pang paghahabulin ng mga suspek ang papatakas na anak at kapitbahay ng matandang Corpuz nang magpulasan ito sa pagkabigla. Matapos na matiyak na patay na ang tatlo ay agad na tumakas patungo sa Commonwealth Avenue. Walang pulis na nagpapatrulya sa lugar. Gen. Dela Vega, ano na naman ang pinagkakaabalahan ng iyong mga pulis at nalusutan na naman kayo. Kung patuloy ang inyong pagkuyakoy sa malamig na opisina tiyak na kaliwa’t kanan na naman ang tutuligsa sa iyong pagkatao. Hala kilos na Gen. Dela Vega bago masilip ito ni Mayor Herbert Bautista.
Samantala nais kung pasalamatan ang lahat ng mga tumakbong kandidato at myembro sa Manila Police District Press Corps sa matagumpay at matahimik na halalan. Bagamat hindi pa tapos ang halalan sana magpatuloy pa itong ating magandang samahan tungo sa mapayapa ay malinis na hangarin upang lalong umunlad ang ating samahan. Nais kong ipagpatuloy ang magandang sinimulan kaya sa tulong ng aking mga opisyales natitiyak ko na lalong magiging progresibo at mapagbigkis ang ating samahan sa tulong ng aking bise presidente na si Rene Maliwat ng DZRJ; Secretary Leonardo Basilio ng Hataw; Treasurer Mer layson ng Pilipino Star Ngayon; Auditor Crismon Heramis ng Remate on Line; Chairman of the Board Erwin Aguilon ng DZIQ Radyo Inq. At mga Director na sina Noel Alamar, DZMM; Ed Gumban, Philippine Star; Carlo Mateo, GMA-DZBB; Roger Talan, Peoples Journal; Bernard Tan, PTV4l Emman Paz, RPN9; Rene Dillan, Manila Times; Marvin Empaynado, Peoples Tonight; Alex Balcoba, Peoples Brigada at Ed Dollente, DZEC. Maraming salamat sa inyong suporta.