PARA sa Philippine National Police, sarado na raw ang kaso ng “San Beda Hazing” kung saan namatay si Marvin Reglos. Labingwalo na ang pinangalanan at kinasuhan ng murder sa Antipolo, kaya para sa kanila, sarado na ang kaso. Pero sa labingwalong iyon, dalawa pa lang ang hawak ng PNP. Kung kapamilya mo si Marvin Reglos, hindi mo iisiping sarado na ang kaso. Hindi mo matatanggap na malaya pa rin ang mga gumulpi sa mahal mo sa buhay nang walang dahilan o saysay. Hindi mo matatanggap na pinatay ang mahal mo sa buhay.
At huwag isiping tradisyon ang hazing kaya dapat daanan ng lahat. May Anti-Hazing Law ang bansa, bagama’t kulang pa sa ngipin, ay labag ito sa batas. At kelan ba naging tradisyon ang pumatay ng tao para ma-ging “brod” mo lang? Nakapagtataka nga na kahit yung mga pinaka-matalinong tao sa mundo ay naniniwala pa rin sa tradisyong ito!
Mabuti at kilala na lahat ng sangkot sa gabi ng ha-zing ni Marvin Reglos. Mabuti at may CCTV at may mga testigong humarap para tumulong sa kaso. Mabuti at nakunan ng report ang mga plaka ng mga sasakyan na nandun nung gabing iyon. Pero ganun pa man, hindi nagtatapos pa rin ang kaso diyan. Kailangan mahuli ang lahat ng sangkot sa hazing. Yung labing-anim na wala pa sa kostodiya ng PNP at malaya pa, baka makatakas pa ng bansa! May tangkang pagtakpan ang krimen, ayon sa mga nakalap ng PNP sa mga nakuhang cell phone. Lahat na ng intesyong masama, nandyan na. Kaya dapat sapat na mapurusahan kapag napatunayan na sa korte ang kanilang mga kasalanan! Pati yung mga ayaw makipagtulungan sa mga otoridad, kahit maliwanag na may alam sa nangyaring krimen, tulad nung dalawang kasama ni Marvin Reglos sa hazing. Nabugbog na nga, ayaw pa ring makipagtulungan. At bakit? Para sa mga “brod” nila? Sa aking huling kaalaman, kapag may alam ka sa isang krimen at hindi mo pinaalam sa mga otoridad, kasama ka na rin sa mga kakasuhan.
Malayo pa sa pagtatapos ang kaso ni Marvin Reglos. Kapag nahuli na lahat, diyan kikilos ang mga may kapangyarihan na kampi ng mga akusado para mapabagal ang kaso nang husto. Para sa mga kapamilya ni Marvin, bagama’t maganda na ang mga pangyayari hingil sa pagkakakilala sa mga sangkot sa hazing noong gabing iyon, hindi dapat nagtatapos doon. Dapat mahuli, makasuhan, maparusahan.
Baka hindi pa rin garantisadong sarado na ang kabanatang iyan.