'Hindi ka na sisikatan ng araw'
Sa lupa o sa buhangin ililibing?
Kung makakapagsalita lang ang bangkay ni Boyet siguradong matagal na siyang nakapili kung sa Pilipinas o sa Dammam ibabaon ang kanyang labi.
“Natulog lang siya tapos hindi na nagising. Tinanong ko sila, ‘Paanong namatay malakas siya walang sakit? Baka pinatay si Boyet? Sagot ni Irene hindi naman kasi kung sinakal labas ang dila, ” kwento ng asawa ni Boyet.
Ang misis ay si Theresa S. Arensol, 45 taong gulang ng Antipolo City. Nagsadya sa aming tanggapan si Theresa o “Nene”. Reklamo niya apat na buwan ng patay ang asawang si Gilbert “Boyet” Arensol subalit ang bangkay nito nasa Dammam, Saudi Arabia pa.
Ayon kay Nene hadlang sa pagpapauwi ng labi ng kanyang mister si Irene Arabani. Asawa daw ni Boyet sa Saudi.
Taong 1987 nang makilala ni Nene si Boyet. ‘Waiter’ si Boyet sa Korean Palace, Adriatico Manila. Dish washer naman sa BJ Kitchenette si Nene.Nanligaw si Boyet, nagkaroon sila ng relasyon hanggang nagdesisyon silang magpakasal taong 1990. Nagkaroon sila ng limang anak. Nagpasya si Boyet na magtrabaho sa ibang bansa. Taong 1991, nakarating siya sa Al Khobar, Saudi Arabia. Limang taon siyang nagpabalik-balik dito. Halagang Php5,000 hanggang Php12,000 ang pinapadala niya sa mag-iina.
Taong 2006 sa Arabian Survey and Inspector Co. naman nagtrabaho si Boyet. Limang taon rin siya dito. Sa pagsisikap ni Boyet, naging mechanical engineer siya. Hindi naging mahirap para kay Boyet ang kanyang trabaho dahil ‘graduate’ naman siya ng kursong ito sa Far Eastern University.
Lumipat si Boyet sa Arabian Inspector and Q &A. Mula sa direct hiring pumasok siya sa ahensya ang Peak Manpower Resources.
Tatlong buwan lang siyang nakapagpadala ng pera kay Nene.
Minsan tumawag si Boyet sa bahay. Tinanong siya ni Nene kung bakit hindi na siya nakapagpadala ng pera sa mga bata? Sagot ng mister, “Ma…may problema ako. Pasensya ka na hindi ako nakapagpadala.”
Tinanong ni Nene kung ano yun subalit ayaw naman daw nitong magsabi.
Enero 5, 2010, umuwi sa Pilipinas si Boyet. Kinagabihan tumawag na lang bigla ang isang babaeng nagpakilala, Irene Arabani.
“Hello… nandiyan ba si Gilbert?” tanong ni Irene.
Tinanong ni Nene kung sino ang nasa linya? Nagulat siya sa sumunod na narinig. “Ako si Irene. Yung asawa ni Gilbert sa Saudi,” sabi ng babae.
“Huh? May asawa si Gilbert?” tanong ni Nene.
Tinawag ni Nene ang asawa at sinabing, “May kilala ka bang Irene?”
Giit ni Boyet hindi niya kilala ang babaeng tumatawag.
Sinabi ni Nene na ayaw siyang kausapin ni Gilbert. Tinanong ng babae kung babalik pa si Boyet sa Saudi. Sagot ni Nene, “Kung ako masusunod di ko na siya pababalikin. Kung ganyang nag-aasawa lang pala siya diyan.”
Kwento daw ni Irene sa kanya, nagpa-‘convert’ na si Boyet sa ‘Islam’. Muslim na daw ito.
Hindi malaman ni Nene ang mararamdaman ng panahong iyon. Gusto niyang taasan ng boses ang kausap subalit hindi niya magawa dahil malumanay magsalita si Irene.
Pagbaba ng telepono. Kinumpronta niya si Boyet, “Totoo ba lahat ng ‘to?” Nakapanlulumong sagot ni Boyet, “Nagkasala ako sa inyo. Nahihiya ako… Natukso lang ako. Patawarin niyo ko…” sabay hagulgol.
Simula nun hindi na nagtanong pa si Nene sa asawa.
Bumalik ng Dammam si Boyet. Ika-10 ng Nobyembre 2010, bigla na lang tumawag si Irene kay Nene sa cell phone.
“Humihingi ako ng tawad sa inyo. Patawarin mo ko Nene. Sana maunawaan niyo ko. Patay na si Gilbert…” pambungad na sabi ni Irene.
Nung una inakala ni Neneng tinataguan lang siya ng mister. Sagot niya kay Irene, “Paano namatay? Wala namang sakit yun? Malakas si Gilbert. Naku! Baka nagpapatay-patayan lang para taguan kami. Maawa naman siya.”
Ilang ulit sinabi ni Irene na patay na si Boyet. “Patay na siya! Patay na siya!” sabay iyak ng malakas. Dito na naniwala si Nene.
Hindi maiwasang isipin ni Nene na baka pinatay ang kanyang asawa. Tinanong niya si Irene kung may ‘foul play’ na naganap. Sagot ni Irene wala naman daw, natulog lang at hindi na nagising.
Binigay ni Irene ang numero ng isang nagngangalang Omar Dionisio ng AIQA Co. Inutusan siyang tawagan ito. Baka may iba daw kasing mag-‘claim’ sa bangkay ni Boyet.
Hindi sumunod si Nene sa halip pinarating niya ang nangyari sa Philippines Overseas Employment Administration (POEA), Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ahensya ng kanyang asawa.
Sa Peak Manpower Resources niya nalaman na ‘Natural Death’ ang
kinamatay ng asawa at totoong Muslim na daw ito at may asawa sa Saudi.
Tinanong siya kung papayag ba siya na ilibing si Boyet sa Dammam.
Matigas na sagot ni Nene, “Hindi po ako papayag! Asawa din ako. Gusto ko mauwi siya dito. Makita siya ng mga anak ko hanggang sa huling sandali.”
Apat ng buwan na mula nang mamatay itong si Boyet subalit hindi malaman ni Nene kung kailan ito makakabalik ng Pilipinas. Ni ang dahilan ng kanyang pagkamatay hindi niya matiyak kaya nagpunta siya sa amin.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Nene.
Bilang tulong pinadala namin ang mga impormasyon ni Boyet sa DFA kay Usec. Rafael Seguis para matulungan siyang mapauwi ang labi ng mister.
Nakatanggap kami ng email galing kay Amb. Roussel Reyes. Ayon sa sulat: Sir, the problem in this case is that the late Gilbert has two wives. Theresa wants to have the remains repatriated while Irene, who works in Dammam, wants Gilbert to be buried here. Theresa is the first wife; while working here, he converted to Islam and subsequently married Irene in the Philippines. Both have NSO marriage contracts. We have reported this matter to the Department and we have asked OUMWA for guidance and instructions. We’ll send a full report to you for your consideration.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo ngang Muslim na si Boyet nakakapagtaka kung bakit inabot na ng ilang buwan hindi pa siya nailibing. Ang alam ko ang bangkay ng Muslim hindi pwedeng magtagal ng 24 oras. May mga kasong katulad ni Boyet dapat isinailalim sa isang ‘autopsy’ para malaman kung may ‘foul play’ o kung ito’y ‘death by natural causes’, (bangungot o pancreatitis). Napapanahon ang kwentong ito habang patuloy na namamayagpag sa mga headlines ang kaso ni dating Representative Iggy Arroyo ang pagdedebate ng dalawang babae sa buhay niyang sina Aleli Arroyo at Grace Ibuna.
Nangako naman ang DFA na gaya ng marami na nilang napauwing bangkay ng ating OFW’s, aasikasuhin nila ang pag-uwi ni Boyet.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig Lunes-Biyernes.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending