Pulis, Laguna at CCTV
CLOSED-circuit television (CCTV) ang nakatulong ng malaki para magkaroon ng suspek sa kasong kidnapping ng isang negosyante sa Quezon City. Nakuhanan ng CCTV sa Carmona, Cavite ang nakaparadang sasakyan ng biktima, at tatlong pulis na malapit sa naturang sasakyan. Dahil sa video, inimbistigahan ang isang pulis, at umamin na rin. Si PO1 Regie Santiago ang nagturo kung saan ang lokasyon ng bangkay ng biktima! Tinapon sa isang poso negro ng isang abandonadong bodega! Tinuro na rin ni Santiago ang dalawang nasa video, na kapwa mga pulis din ng San Pedro, Laguna. Ngayon, may dinadawit yung tatlong suspek na isang mataas na opisyal na pulis, na utak sa pagkidnap at pagpatay sa biktima!
Pulis na naman. Laguna na naman. Kidnapping, kung saan pinatay pa yung biktima. Hindi pa alam kung yun lang ang ginawa sa biktima. Tandaan na babae yung biktima, at mga halimaw ang suspek! Mukhang nagkakaroon na ng paglusaw ng batas sa lalawigang ito, dahil mga pulis na mismo ang sangkot sa mga kasuklam-suklam na mga krimen! Paano mabibigyan ng proteksyon ang mga mamamayan kung yung mga dapat nagpapatupad ng proteksyon na iyan ay sila mismo ang lumalabag sa batas? Sila ang armado, sila ang tila may grupo, orga-nisado, para gumawa ng mga krimen!
Ayon sa mga naunang salaysay ng dalawa pang pulis, sila lang ang nagdispatsa ng bangkay ng biktima, sa utos ng tinuturo nilang utak sa likod ng krimen. Hindi ibig sabihin na mas magaan ang kanilang krimen, dahil unang-una, mga pulis sila! Ang isang nakapagtataka rin ay paano nagagamit ang sasakyan ng biktima ng mga pulis, kung sigurado may ulat na nawawala na yung biktima? Ni hindi man lang pinalitan yung plaka ng sasakyan, na nakuhanan sa video! Lahat ba ng pulis sa San Pedro, Laguna ay alam na hindi talo yung mga gumagamit ng sasakyan, kaya hindi hinuhuli? Ganun kakampante kumilos ang mga pulis na ito, sa lugar na hindi pa nila teritoryo?
Kailangan ng mas malalim na imbestigasyon sa kasong ito, na mabuti naman at may liwanag na. May video, may tatlong suspek na hawak na ng mga otoridad. Ang pinagdadasal ko na lang ay sana mga tunay na pulis, na tapat sa trabaho, at hindi mga miyembro rin ng isang malaking organisadong grupo ng mga kriminal na pulis, ang mga humahawak ng imbestigasyon. Baka biglang makatakas na lang ang mga suspek, o kaya’y may masamang mangyari sa kanila para maprotektahan lang ang mga utak ng organisasyon!
- Latest
- Trending