WALANG nakaaalam kung kailan tatama ang lindol. Kaya ang pinaka-magandang magagawa ay maghanda o maging alerto. Sabi pa, huwag daw itanong kung gaano kalakas ang tatamang lindol ang mas tamang itanong ay kung gaano ka kahanda sa mangyayaring lindol. Wala nang pinaka-magandang magagawa kundi maghanda sapagkat sa ayaw at sa gusto, yayanigin ng lindol ang bansang ito sapagkat nasa paligid ng Pacific rim. Napapaligiran ng mga bulkan ang mga bansang nasa Pacific kaya hindi maiiwasan ang paggalaw ng lupa. Sosorpresahin na lang ng lindol na maaaring tumama anumang oras.
Kahapon ng umaga, isang magnitude 5.2 na lindol ang tumama sa Masbate at iba pang probinsiya sa Bicol at bahagi ng Kabisayaan. Walong tao na ang iniulat na nasaktan at nasugatan. May ilang gusali ang nawasak. Nawalan ng kuryente kaya agad sinuspinde ang klase.
Noong nakaraang Pebrero 6, 2012, niyanig ng lindol (magnitude 6.9) ang tatlong bayan sa Negros Oriental na ikinamatay ng mahigit 40 tao. Karamihan sa mga namatay ay naguhuan ng lupa. Nagkaroon ng landslide at maraming bahay ang nawasak.
Marami nang lindol na tumama sa bansa at sa kabila niyan, wala pa ring kahandaan ang pamahalaan. Nagkakaroon lamang ng earthquake drill kapag may tumama nang lindol. Pero nawawalang muli ang paghahanda kapag nakalipas na ang pagyanig.
Nang tumama ang 7.7 na lindol noong Hulyo 16, 1990 sa Baguio at Pangasinan, nasorpresa ang mga tao at hindi malaman ang gagawin. Tinatayang 5,000 katao ang namatay sa lindol. Nawasak ang 9-na palapag na hotel sa Baguio. Maraming kalsada ang nasira sa Dagupan City, Pangasinan. Maski sa Metro Manila ay naramdaman ang pagyanig at maraming nagpanic. Hindi nga kasi handa sa pagsapit ng lindol.
Hindi handa sa lindol kaya marami ang napapahamak. Dapat ipag-utos ng pamahalaan ang regular na pagsasagawa ng earthquake drill sa mga paaralan, gusali ng gobyerno at ospital para maimulat sa kahandaan. Ituro ang mga gagawin sakali’t tumama ang lindol. Itanim sa isipan ng mag-aaral o mamamayan ang tamang gagawin sa pagsapit ng lindol.