EXCITED na ang lahat. Limang araw na lamang at magbabakasyon na ang kanyang mister galing Saudi Arabia.
Punong abala ang misis nitong lalake dahil makalipas ang mahigit dalawang taon, ngayon lang silang magkikitang muli ng kanyang mahal sa buhay.
“Halos hindi na nga ako makatulog. Araw na lang darating na siya eh mas lalo akong nainip. Gusto ko paggising ko andito na siya sa aking tabi,” wika ni misis.
NITONG Pebrero naisulat ko ang istoryang “ISANG PAA HINILA SA HUKAY”.
Ito ay tungkol sa isang lalaking naaksidente at namatay sa ibang bayan. Siya ay si Allison “Son” Pagal 38 taong gulang ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa bansang Saudi Arabia.
Maagang nabyuda ang misis na si Jocelyn “Josie” Pagal, 37 taong gulang mula pa sa Sapang Palay Bulacan.
“Tulungan niyo ako na mapauwi ang mister ko. Wala namang ibang tumutulong sa amin pati agency niya ang palaging sinasabi sa akin ay inaasikaso nila,” wika ni Josie.
Matapos maiere sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ay nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Pinadala namin ang lahat ng detalye tungkol dito sa kaso ni Son. Isa siyang ‘finishing carpenter’ sa Al Osais Contracting Company. Ang agency niya ay SAF International Services Inc. Human Resources Solution.
Limang araw bago magbakasyon si Son sa Pilipinas ay biglang may nangyari sa kanyang masama.
Ika- 10 ng Enero, alas 6:00 ng umaga, nasira ang ‘service’ nila Son. Huminto sila sa highway para lumipat sa kabilang sasakyan.
Isang paa pa lang daw ang naitatapak ni Son ay nahagip na ito ng van. Humampas ang ulo ni Son sa unahan ng van. Nagpaikut-ikot ang katawan. Kumaskas ang ulo niya sa espalto. Sumuka ito ng maraming dugo. Nabali ang ‘spinal cord’ hanggang sa na-‘comatose’ siya.
Isinugod si Son sa Almana Hospital. Dalawang araw lang ay binawian na siya ng buhay. Lahat ng ito ay nalaman nila dahil ikinwento ni “Ipe Tabaranza”, katrabaho ni Son.
Nakatanggap kami ng ‘reply’ sa kasong ito sa pamamagitan ng ‘email’ mula kay Undersecretary Rafael Seguis.
Ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) kinausap nila si Mr. Ashraf M. Seddig, supervisor ng Al Osais Contracting Company. Pinaalam ng POLO kung anong procedures at mga requirements na kailangan para sa repatriation ni Son.
Tinuruan din nila ito ng tamang kompyutasyon ng lahat ng bayarin at benepisyo na tatanggapin ng pamilya ni Son.
Nakatanggap kami ng kopya ng ‘memorandum’ na pirmado ng Second Secretary and Consul na si Amb. Roussel Reyes at ng Labor Attache ng POLO na si Adam Musa.
Laman ng Memo ay ang mga ‘basic information’ ni Son at ang nakasulat na ‘alleged cause of death’ ay ‘vehicular accident’.
Nabasa din namin ang email mula kay Amb. Ezzedin Tago, Philippine Ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia. Natapos na daw ang police report at pati ang exit visa. Nakipag-usap si ANS Red Genotiva ng Philippine Embassy sa Riyadh kay Mr. Jijo Al Khotani ang nag-aasikaso ng mga ‘travel permits’ sa Dammam.
Ibinalita nila sa amin na naayos na ang lahat ng dokumento sa AIMCO Cargo.
Ika- 26 ng Pebrero, sinundo nila Josie ang bangkay ni Son. Kasama niya ang kanyang mga anak at biyenan.
“Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Nung makita ko siya gustung-gusto ko siyang yakapin,” umiiyak na sinabi ni Josie.
Dalawang araw lang binurol si Son at pina ‘cremate’ na nila ito.
Bumalik si Josie sa aming tanggapan.
“Maraming salamat sa tulong ninyo na mapauwi ang bangkay ng asawa ko. Lalo na kay Usec. Seguis, salamat sa lahat,” sabi ni Josie.
Isa pa sa nilalapit sa amin ni Josie ay tungkol sa mga gamit ng kanyang asawa. Hindi kasi kasama ang mga bagahe, orihinal na papeles at mga benepisyo nito.
“Inaasahan ko lang ang death benefits ng mister ko dahil inutang ko lang ang pera sa paglibing sa kanya. Iniisip ko din ang mga anak ko,” wika ni Josie.
Bilang tulong, tumawag kami sa SAF International Services Inc. Human Resources Solution upang alamin kung anong pwede nilang itulong sa pamilyang Pagal. Nakausap namin si Marlito Reyes ang ‘project officer’ ng SAF.
Sinabi niya na inaasikaso daw nila ang pagpapauwi ng bangkay ni Son. Tinututukan daw ito ng ‘consultant’ nila na si Hasan Edres.
Nagulat kami dahil hindi nila alam na napauwi na ang katawan ni Son. Nang aming sinabi na nai-cremate na ito sinabi niya na bakit hindi sa kanila pinaalam. Ang sagot namin ay bakit hindi nila alam dahil kung talagang nakatutok sila sa pagpapauwi nito ay mas mauuna pa silang malaman na nakauwi na ang bangkay ni Son dito.
Pinapapunta niya si Josie sa kanilang opisina upang kausapin.
Kumilos din kami at nagpadala ng email kay Usec. Seguis at kay Amb. Tago upang malaman ang proseso kung paano makuha ang lahat ng kailangan ni Josie tulad ng bagahe, benepisyo at mga orihinal na dokumento nito.
Hinihintay na lang namin ang kasagutan nila.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, una nating pasalamatan ang Panginoon at ang buong pamunuan ng DFA lalung-lalo na kay Usec. Rafael “Paeng” Seguis na hindi tumitigil sa pagtulong sa lahat ng ating mga kababayang OFW’s na nangangailangan ng tulong.
Ganon din kay Mr. Ezzedin Tago sa ating embahada sa Saudi Arabia, kay Second Secretary and Consul na si Amb. Roussel Reyes pati na rin si ANS Red Genotiva ng Philippine Embassy sa Riyadh at ang Labor Attache ng POLO na si Adam Musa.
Maraming salamat sa agarang aksyon at pakikipagtulungan ninyo para mapauwi ang katawan ni Son.
Sa agency naman na SAF sana ay makatulong din kayo sa pamilyang Pagal dahil napakinabangan niyo din naman siya. Sana ay maasikaso niyo rin ang mga benepisyo at insurance ni Son. Maawa naman kayo sa pamilyang naiwan niya.
Hindi madali ang nangyari kay Son dahil ito ay isang ‘criminal case’ Hindi ‘death by natural causes’ ang pagkamatay ni Son. Dapat mapanagot ang driver ng sasakyang nakabangga sa kanya at pati na rin ang kumpanyang itong pinaglilingkuran.
Nararapat lamang na mabigyan ng konting ikabubuhay ang pamilya ng ating kababayang OFW. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com