NABISTO sa unang parte ng paglilitis ni impeached Chief Justice Renato Corona na itinago niya ang milyon-milyon-pisong yaman. ‘Yan ang pananaw ng congressmen-prosecutors. Dalawa sa limang condo at isa sa dalawang mamahaling lote sa Makati, Taguig at Quezon Cities ang hindi o huli nang inilista sa kanyang taunang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth. At sa SALNs na ito ay pinaliit ang tunay na halaga ng kanyang mga depositong piso sa dalawang bangko. Nagawa pa niyang ipaawat sa kanyang mga justices sa Korte Suprema ang pagbukas ng Senate impeachment court ng kanyang limang dollar accounts, kung saan ang isa pa lang ay meron umanong $700,000 (P32 milyon) paunang deposito.
Patuloy umano ang pagtatago ni Corona ng iba pang ebidensiya ng kanyang lantarang paglabag sa Konstitusyon at pagkakanuno sa tiwala ng publiko. Angal ng congressmen-prosecutors, pinagbawalan ng Korte Suprema hindi lang ang mga mahistrado kundi pati administrative staff na tumestigo sa paglilitis sa Senado. Dati pinayagan ang clerk of court ng Korte Suprema na tumestigo tungkol sa SALNs ni Corona, kaya nabunyag ito. Pero ngayon, sa paglahad ng umano’y pagkiling ni Corona sa patron na dating Presidente Gloria Arroyo, pati mga guwardiya, driver at typist ay ayaw nang pag-testiguhin. Itong mga kawani ang makapag-papatunay na pinayagan ni Corona lumisan ng Pilipinas si Arroyo nu’ng Nob. 15, 2011, miski hindi pa tinutupad ng huli ang mga kudisyones ng Korte Suprema, anang prosecutors.
Ipinababasura din ng mga abogado ni Corona sa Senate court ang testimonya tungkol sa kanyang milyon-milyon-pisong deposito. Sabi niya maipapaliwanag niya ang lahat, pero taliwas naman ang kilos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com