ISANG libo’t pitong daang medical workers ang kailangan ng Libya matapos ang pagpalit ang gobyerno makaraang mapatay si Muammar Gadhaffi. Dahil nagsisimula muli ang Libya, bukas para sa mga manggagawa mula sa ibang bansa. Pero may paalala muna ang Philippine Overseas Employment Agency(POEA) sa mga nag-iisip nang sunggaban ang oportunidad na ito, hintayin na munang tanggalin ng deployment ban sa Libya, para wala nang maging problema sa pagpunta doon.
Sa tingin ko ay hintayin na munang maging tunay na mapayapa bago magtungo na naman sa isang bansa na katatapos lamang magpatalsik ng isang diktador. Kailangan lang nating tingnan ang Afghanistan at Iraq kung saan wala na raw ang Taliban at mga kampon ni Saddam Hussein, pero hanggang ngayon hindi pa matiyak ang kapayapaan. Sabi nga, mas marami pa yatang namatay na mga sundalo at mamamayan matapos mapatalsik ang mga nabanggit. Patuloy pa rin kasi ang mala-guerilla na pag-atake sa mga kasalukuyang mga pinuno, na kaalyado na ng Amerika.
Pero mas maganda sana kung hindi na kinakailangang mangibang bansa para lang magtrabaho. Tingnan natin ang nagaganap sa Syria ngayon. Halos digmaang sibil na, kung saan dehado nang husto ang mga pumoprotesta sa kasalukuyang pamumuno. Libu-libo na ang namamatay na mga mamamayan, kung saan hindi nagpapakita na bibitiw sa kapangyarihan si Bashar al-Assad! Marami pa tayong mga kababayan sa Syria na hindi makalabas. Kaya nga hindi na nakaboto ang Pilipinas para sang-ayunan ang mga sisante laban sa Syria para sa kanilang mga paglabag sa karapatang pantao. Baka buweltahan ang ating mga mamamayan na wala pang mahanap na paraan para makauwi.
Napakaraming peligro na pwedeng harapin ng mga kabababayan nating nasa ibang bansa, o sa mga patungo pa lamang. Sa kaso ng Libya, hintayin na munang magkaroon ng kaayusan ang kanilang pamahalaan bago magtungo muli sa Africa. Kapag sumiklab na naman ang gulo, dahil sa anumang dahilan, mahirap na namang ibalik ang ating mga kababayan!