ANG huling announcement ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay akma sa nararanasang temperature ngayong nagdaang mga araw na - “It’s official: Summer is here”.
Kung ang mga kababayan natin sa Visayas at Luzon ay medyo “hello summer’’ ang mode, dito sa Mindanao ay may halong pangamba na muling mararanasan ang mga brownout na umaabot hanggang walong oras o di kaya’y kalahating araw na.
Ang tagtuyot ay hindi lang nakakaapekto sa sakahan at ibang taniman sa katimugan. Ngunit ang higit na maaapektuhan ay ang power supply ng isla.
Ang naranasang malawakang power shortage noong nakaraang taon ay ayaw nang maranasang muli ng mga taga-Mindanao. Ang tindi ng sakripisyong nalulugi ang mga negosyante na naging sanhi ng pagkawala ng trabaho ng marami dahil wala na ngang kita ang kani-kanilang mga amo.
Ang power supply ng Mindanao ay nakasalalay sa hydroelectric power na kinukuha sa Pulangi River sa Bukidnon at sa Lake Lanao sa Marawi City. Ito ay dini-distribute ng National Grid Corporation of the Philippines sa iba’t ibang utilities sa Mindanao sa pamamagitan ng kanilang transmission system.
At bago pa ibinalita ng PAG-ASA na nagsimula na nga ang summer ay nagkaroon na ng load curtailment sa Mindanao. Umabot na ng 270 Megawatts ang load curtailment na ayon sa NGCP ay dahil nga raw sa “acute shortage sa power source” at maayos naman daw ang kanilang transmission system.
Ibig sabihin noon na kung patuloy ang tag-init ay bababa ang water level sa Pulangi River at maging sa Lake Lanao na magiging kulang na kulang para sa kinakailangang supply ng tubig upang maayos na mapatakbo ang Mindanao Grid at maiwasan ang malawakang brownouts.
Ayon sa NGCP kahapon ay may 160 MW na deficit ang Mindanao dahil ang system capacity nito ay 1059 at ang actual demand o system peak nito ay umabot ng 1210MW. Kaya patuloy pa rin ang load curtailment nito.
Ang pananawagan ng mga taga-Department of Energy ay kinakailangan na talaga ng mga bagong investors sa power industry sa Mindanao upang matugunan ang lalong lumalalang power shortage sa katimugan.
May mga nagsusulputang mga proposed projects gaya ng pagpatayo ng coal power plant dito sa Davao City.
Ngunit sana naman sa paghanap ng solusyon sa problema ng power shortage sa Mindanao ay huwag namang balewalain at kailangan talagang bigyang pansin ang environmental concerns.
Huwag naman na ang kapalit ng solusyon ay ang kasiraan ng ating kalikasan. Kailangan lang talaga ng maingat na pagbabalanse.