Mabuti pa'y dumito na tayo

ANG mga problema sa ating buhay ay mga pagsubok ng Diyos na kadalasan ay hindi natin maunawaan. Hindi natin alam na ito ay isang biyayang nagpapatatag ng ating pananampalataya sa Diyos, sapagka’t Siya ang tuluyang nagbibigay sa atin ng Kanyang buhay.

Alam ni Abraham na Diyos ang nagpapunta sa kanya sa bundok ng Moria, doon ay sinubukan ang kanyang pagsunod at pananampalatya sa pag-aalay ng kanyang anak na si Isaac. Naipakita niya na handa siyang sumunod sa Diyos sapagka’t hindi niya ipinagkait ang kaisa-isa at pinakamamahal niyang anak.  “Sa piling ng Poong mahal ako’y laging mamumuhay”. Sa ating lubusang paniniwala, pagsampalataya at pagsunod sa Kanya ay maging ang kanyang anak ay hindi niya ipinagkait sa Diyos. “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin?”

Maging sa ebanghelyo ay ipinakita ng Ama kina Pedro, Santiago at Juan ang kaharian ng langit na doon namumuhay sina Moises at Elias. “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo Siya”. Ito ang Transpigurasyon, ang pagpapakita ng kaharian ng langit. Namangha si Pedro at hinikayat niya si Hesus na doon na sila tumira at gagawa siya ng tatlong kubol. Nadama niya ang kapayapaan, kagandahan at katahimikan ng buhay.

Sa tuwing magbibigay ako ng weekend retreat o Marriage Encounter ay inihahalintulad ko ito sa pagbabagong anyo ni Hesus. Tulad nina Pedro, Santiago at Juan ay nadarama nila ang katahimikan, katiwasayan at kapa-yapaan. Para bang wala nang kaguluhan sa kanilang buhay. Walang problema, tama sa oras ang panalangin, masarap na pagkain. Sabi ni Pedro: “Mabuti pa’y dumito na tayo”.

Sa ME weekend ay hindi nila tinatakasan ang mga problema ng mag-asawa, manapa’y pinatitibay nila ito. Sabi nga ni Gen. Douglas MacArthur: “I Shall return”. Hindi niya tinakasan ang Pilipinas sa kapangyarihan ng Hapon, manapa’y umuwi siya sa kanyang bansa upang pagnilayan, pag-aralan at patatagin ang kanyang sandatahan upang mabawi ang ating bansa. Ipinakita ni Hesus sa tatlong apostol na dapat nilang patatagin ang pananampalataya upang paghandaan ang pagsubok ng Ama sa Kanyang Anak na si Hesus!

Binabati ko si Fr. Anton Cecilio Pascual sa pagdi­riwang ng kanyang ika 25 taon ng pagkapari sa March 6, 2012. Thanksgi-ving Mass at dinner for cha-rity ay gagawin sa San Carlos complex Edsa Makati. Si Fr. Anton ang pinuno ng Radio Veritas at Caritas Manila.

* * *

Gen 22:1-2, 9a, 10-13, 15-18; Salmo 115; Rom 8:31b-34 at Mk 9:2-10

Show comments