BINATIKOS ni Pope Benedict XVI kamakailan ang umano’y kutsabahan ng dambuhalang banko at media. Aniya ang finance at press ay mga sandata para sa kabutihan, pero maaari rin gamitin sa kasamaan. Hindi na isinusulong ng finance ang kapakanan ng tao, kundi iniidolo ang yaman. Samantala, ang media raw ay hindi na nagsusulong ng katotohanan kundi ng pagmamalikmata.
Reaksiyon umano ito ni Pope Benedict sa dalawang malalaking balitang yumayanig sa Vatican. Isa ang akusasyon ng mga kalaban sa negosyo na ginagamit umano ang Vatican Bank sa money laundering. Ikalawa ang paratang ng ibang cardinals na tinatangka ng ilan sa kanila na patayin ang Pope. Kutsabahan umano ang mga balita, ani Pope Benedict, para wasakin ng finance at media ang mundo.
Tulad saan mang parte ng mundo, lulong sa pulitika ang finance at media sa Italya at Europa. Ito’y dahil malalaking negosyo sila na nangangailangan ng lisensiya at regulasyon ng gobyerno. At kung minsan ay may kinikilingan silang partido o stockholder na politiko.
Ganunpaman, hindi madungis — kundi marangal —ang imahe ng finance at media sa Pilipinas. Karamihan sa mga bangko sa Pilipinas ay may proyektong pangkawanggawa o pangkaunlaran. Ang Metrobank, halimbawa, ay humihirang taun-taon ng tig-sampung pinakamahusay na guro, sundalo, pulis, at artists. Ang Bank of P.I. ay nagdadaos ng leadership training para sa kabataan. Meron din ang ibang banko.
Samantala, tinitingala ng mamamayan ang media — lalo na sa panahon ng sakuna. Imbis na sa gobyerno mag-ambag ng tulong ang mamamayan, idinadaan nila sa media. Ito’y para matiyak na aabot ang abuloy sa mga nasalanta, imbis na kupitin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com