UNTI-UNTI nang nalalaglag ang mga piyesa ng kuwento ni Marvin Reglos, ang neophyte ng Lambda Rho Beta Law Fraternity ng San Beda na namatay dahil umano sa matinding hazing. Bukod sa dalawang miyembro ng fraternity na hawak na ng mga opisyal, mga 20 pa ang kakasuhan ng murder. Nagtutugma na ang mga salaysay ng ilang mga miyembro ng Lambda Rho Beta at mga empleyado ng resort sa Antipolo. May hawak na cell phone ang mga pulis kung saan may mga mensahe na tumutukoy sa naganap na hazing sa Antipolo, sa pamamagitan ng utos sa lahat na huwag magsalita, huwag umamin, burahin lahat ng text at mag-isip na ng dahilan para sa kaligtasan ng lahat! Alam ng mga otoridad ang plaka ng mga sasakyan na nasa Antipolo.
At ngayon, lumutang na rin ang isang neophyte na biktima rin ng umano’y hazing, at kasama ni Reglos sa initiation. Kitang-kita pa ang mga sugat at pasa sa kanyang katawan dahil sa marahas na tradisyon. Tradisyon na walang saysay, walang kuwenta. Ang kanyang mga salaysay ng mga pangyayari nang gabing iyon ang tutulong sa kasong isasampa na sa mga suspek. Lumiliit na ang mundo, ika nga.
Pero nandoon pa rin ang takot ng mga nagbibigay ng mga salaysay na baka buweltahan sila ng mga miyembro ng fraternity, pati raw ng mga alumni na nasa matataas na posisyon ngayon tulad ng DOJ at NBI. Hindi nga nila pinakita ang kanilang mga mukha sa panayam. Ito ang pinaka-malaking hadlang sa pag-usad ng mga kasong hazing kung saan may namamatay. Malakas ang impluwensiya ng mga alumni na naniniwala pa rin sa tradisyon ng pananakit para tumanggap ng isang nais maging miyembro.
Kaya nandito ang hamon kay DOJ Sec. Leila de Lima, na isang alumni ng San Beda Law School. Ipakita niya na walang kinikilingan ang batas, lalo na sa ha-zing. May Anti-Hazing Law na, na may parusang panghabambuhay na kulong. Sa kasong ito na tila nagkaroon ng isang iligal na hazing kung saan may namatay pa, isulong kaagad ang hustisya para maparusahan ang mga may kasalanan! At nang sa ganun, matigil na ang kalo-kohang ito na krimen na rin, ayon sa sibilisadong lipunan!