NAKAKATAKOT na ang mga nangyayari ngayon na pawang mga pulis ang sinasangkot sa mga krimen. Kung ganitong mga pulis ang gumagawa ng baluktot, kanino pa tatakbo ang mamamayan para humingi ng tulong? Hindi na makatotohanan kung ganoon ang kanilang motto: To Serve and to Protect. Wala na ito kung ang pag-babatayan ay ang mga sunud-sunod na kaso na ang mga pulis ang itinuturong may kagagawan.
Kagaya ng tatlong police officers na isinasangkot sa pagkidnap at pagpatay sa isang babae na nagngangalang Lea Angeles Ng. Ang naaagnas na bangkay ni Ng ay natagpuan sa isang oil bunker sa San Pedro, Laguna noong nakaraang linggo. Isang dating pulis na principal suspect ang nagturo sa kinaroroonan ng bangkay at sinabing tatlong pulis pa ang sangkot sa krimen. Sinabi ng suspect, na ang isa sa mga sangkot na pulis ay dating spokeperson ng PNP at nakatalaga na sa Cebu samantalang ang dalawa pa ay miyembro ng San Pedro police. Ang biktima ay nawala noon pang Enero 20, 2012.
Eto pa: Sampung pulis na nakatalaga sa Station 3 ng Manila Police District ang inakusahan ng pang-eextort ng $30,000 sa apat na Korean tou-rists. Isinakay umano ng mga pulis sa isang van ang apat na Korean at saka ipinakita sa mga ito ang sachet ng marijuana. Tinakot na kakasuhan ang mga turista kapag hindi nagbigay ng $30,000. Nang makapagbigay ng pera ang mga turista, nagsumbong sila sa Korean Embassy at itinuro ang mga pulis na nang-extort. Apat sa mga pulis ang naaresto samantalang nag-AWOL na ang anim pang suspect.
Eto pa: Isang pulis ang tumangay sa isang vault na umano’y dinala ng isang maid makaraang tawagan ng dugo-dugo gang. Sa halip na dalhin sa presinto ang vault, dinala sa kanilang bahay at doon itinago. Nahuli ang pulis.
Ilan lamang ang mga iyan sa mga kasong kinasasangkutan ng mga pulis. Ano ba ang nangyayari sa mga pulis at nagbibigay ng takot sa mamamayan? Saan pa hihingi ng tulong ang mamamayan? Dapat gumawa ng paraan ang namumuno sa PNP para maibangon ang nasisirang imahe.