GRABENG trapik ang nilikha ng evangelistic rally ng Iglesia ni Cristo kahapon. Nadaig ang mga pagtitipon ng ibang sekta ng relihiyon tulad ng El Shaddai ni Mike Velarde, Jesus is Lord Church ni Bro. Eddie Villanueva at ng iba pang religious group na maramihang nagtitipon sa Luneta. First time itong ginawa ng INC sa Luneta.
Nauna rito, lumutang ang mga pangamba na kunwa-kunwari lang itong evangelistic rally pero sa totoo ay isang “show of force” ng INC upang ipakita ang puspusang suporta kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Pinabulaanan naman ito ng INC na nagsabing ang layunin ng maramihang pagtitipon ay upang ipahayag ang Salita ng Diyos.
Lahat ng mga lansangang patungo sa Quirino Grandstand sa Luneta ay dumanas ng matinding trapiko habang bus-bus na mga miyembro ng INC bukod pa sa mga nakasakay sa ibang mas maliit na sasakyan ang umukupa sa maraming pangunahing lansangan. Sinara pa ang ibang mga daan malapit sa Luneta para maging parking lot ng mga bus at sasakyang naghatid ng mga participants sa lugar ng pagtitipon.
Show of force nga ba ng INC ang malaking krusadang ito para ipakita kay P-Noy ang political might nito? Isinusulat ko ang kolum na ito sa dakong umaga at hindi pa aktuwal na ginaganap ang evangelistic rally ng INC, kasama ang dalangin na huwag sana itong magdulot ng political turmoil tulad ng pangamba ng iba.
Naniniwala ako na kung may political stand man ang INC ay dapat itong igalang pero ang pagtitipon ay gawin na lamang sandali ng panalangin na bumuti ang kalaga-yang pampulitika sa bansa.
At ano man ang kahihinatnan ng impeachment trial laban kay Corona, maabsuwelto man o ma-convict, dapat din itong igalang ng lahat.
Naniniwala ako na ang isang relihiyosong grupong gaya ng INC ay tagapagtaguyod ng mapayapang paraan sa pagresolba ng ano mang problema sa bansa.
Katunayan, ano mang relihiyon meron tayo nabibilang, dapat makiisa ang lahat sa panalanging sumulong na ang pag-unlad ng bansa na malaon na nating inaasam.