SA mga nag-aakalang ganoon na lang kadali na ipa-testify si Supreme Court (SC) Associate Justice Ma. Lourdes Sereno sa kanyang dissenting opinion sa TRO ni Gng. Arroyo, ang sagot ay NO: hindi ganoon kadali.
Si Justice Sereno ay bahagya ng SC – isa itong tribunal na umaakto at kumikilos lamang sa pamamagitan ng pagpasya ng mayorya. Gaya ng Senado at Kongreso na mga sanggunian, sa pagdesisyon ng SC ang prinsipyo ng demokrasya na Majority rules ang siyang nananaig.
Kung ang halal na mambabatas ay dapat bukas sa publiko ang pagpupulong, sa Saligang Batas ay walang katumbas na publicity requirement para sa deliberasyon ng Mataas na Hukuman. Kung ang desisyon ng Kongreso ay inaasahang maiimpluwensyahan ng public pressure, ang desisyon naman ng SC ay sadyang inilalayo sa public pressure.
Kaya kung ang lakas ng Kongreso ay nasa transpa-rency ng kanyang proseso, ang puwersa naman ng SC ay sinisiguro ng confidentiality ng kanyang talakayan. Ito ang pinakamahalagang proteksyon ng institusyon upang mapangatawanan ang independence at impartiality.
Sa pagpilit ng Prosecution panel na i-subpoena ng Impeachment Court si Associate Justice Ma. Lourdes Sereno, nakukompromiso ang proteksyong ito. Maging si Justice Sereno ay nalalagay sa alanganin dahil hinihingi ditong talikuran ang interes ng sarili niyang institusyon.
Ang buong proseso ng paglilitis sa harap ng Senado bilang Impeachment Court ay dinisenyo upang mailabas ang katotohanan at dito ibatay ang paghusga ng mga Senador. Maraming paraan upang ito’y makamit. Sa katunayan, ang inaasahang pagkastrikto ng Senado sa pagtanggap ng ebidensiya ay niluwagan na ng husto sa ngalan ng pagbigay daan sa katotohanan.
Katotohanan man ang ultimong pinupuntirya, hindi ito sapat na dahilan upang ang isugal ang mga haligi
ng institusyong namamahala sa atin hanggang ito’y tuluyang matibag. Naintindihan ito ng Senado sa kanilang pagtanggi sa panukala ng Prosecution na ipatawag si Justice Sereno. Ang mga haliging ito ay proteksyon para pakinabangan ng lahat sa matagal na panahon at hindi upang sunugin at matupok sa bawat paggamit.