Hindi babayaran ng anak ang utang ng ina
PUWEDE bang agawin ang mana ng isang tao para gamiting pambayad ng utang ng kapwa niya tagapagmana? Ito ang tanong sa kaso ni Juanito at kanyang apat na kapatid.
Si Juanito at ang kanyang mga kapatid ang legal na anak nina Fernando at Rosa. Isang matagumpay na negosyante si Fernando at nakabili siya ng lupa mula sa mga primera-klaseng lugar sa Maynila na nagkakahalaga ng milyong piso. Nang mamatay si Fernando, hindi agad nahati ang kanyang mga ari-arian. Sa katunayan, 12 taon matapos mamatay si Fernando ay ganoon pa rin ang estado ng mga ari-arian. Si Rosa naman na asawa ni Fernando at nanay nina Juanito ay natalo sa isang kaso at pinagbabayad nang malaking halaga bilang danyos.
Upang masunod ang desisyon ng korte at mabayaran ni Rosa ang danyos, binatak ang limang parselang lupa na pawang nakarehistro sa pangalan ni Fernando at ibinenta ng sheriff sa public auction. Nang malaman ito ni Juanito at ng kanyang mga kapatid, agad silang nagsampa ng kaso sa korte para mapawalang-bisa ang naganap na bentahan at para mabawi ang lupang kinamkam sa kanila. Ayon kay Juanito at kanyang mga kapatid, hindi sila dapat managot dahil una, hindi sila kasama sa kaso ng ina at pangalawa, may karapatan sila bilang “co-owners” ng lupa ng namatay nilang ama. Kaya ang lupa ay hindi puwedeng ibenta upang ipambayad lang sa pagkakautang ng kanilang ina. Tama ba sila?
TAMA. Mula sa sandaling namatay si Fernando ay nagkaroon na si Juanito at ang kanyang mga kapatid ng karapatan bilang tagapagmana ng ama. May karapatan sila sa kalahati ng ari-arian ng mag-asawa bilang conjugal share o parte ni Fernando. Magiging kahati lang nila sa parte ni Fernando ang kanilang ina. Parehas lang ang ma tatanggap ng ina sa kanila. Ito ang nakasaad sa batas (Arts. 777, 888 and 892 Civil Code). At dahil hindi pa nahahati ang ari-ariang naiwan ng ama, kapwa sila may-ari nito. Hindi galing sa kanilang ina ang karapatan kundi sa kanilang namatay na ama. Ang interes nila sa ari-ariang binatak ng sheriff ay hiwalay sa interes ng kanilang ina kaya nararapat lang na magsampa sila ng kaso upang protektahan ang kanilang interes sa pamamagitan ng paghingi sa korte na ipawalang-bisa ang naganap na auction sale. Dapat ang kalaha-ting parte ng kanilang ina lamang ang ibinenta sa auction sale (Suarez vs. Court of Appeals, 213 SCRA 397).
- Latest
- Trending