Bakit kinokontra ang pagmimina?

IMPORTANTE sa modernong buhay ang pagmimina. Kung walang ginto, pilak, nickel, chromite, iron, lead, rare earth metals at iba pang biyaya ng lupa, wala rin ang mga kagamitan natin sa bahay, trabaho, at buhay. Walang cell phone, computer, LCD/LED television, stereo, kotse, barko, eroplano, X-ray, ultrasound, aircon, mainit na tubig, gas range, pelikula, aspalto, gusali, pangsaka, pamingwit, kutsara’t tinidor.

Pero meron ding isa pang katotohanan sa pagmimina. Maging open-pit o pagta-tunnel, mapanira ng kalikasan ang pagmimina. Sa open pit, binubungkal at kinakayod ang ekta-ektaryang lupain para makuha ang ore na kinalalagyan ng hinahanap na elemento. Sa tunneling, binubutas ang kabundukan. Sa parehong pamamaraan, nasisira ang gubat, at nagbubulwak ng dumi at lason sa hangin at mga ilog, lawa at dagat. May mga responsableng malalaking minahan na sumusunod sa mga batas kalikasan, at sinisikap ayusin ang kalikasan sa ginalugad na purok. Lahat ng maliliit na minahan ay mapanira; sa pabahay na lang ng mga minero ay makikita na ito: palaging nila-landslide.

Pero anumang klase ng pagmimina —malakihan man o maliit, responsable o mapanira — lugi ang ating bansa. Bakit? Kasi ang Mining Act of 1995 ay depektibo. Nagpapataw ito ng buwis sa mga minero na kapareho lang ng buwis na ibinabayad ng iba pang uri ng negosyo: Expressway, sasakyan, tubig, kuryente, telecoms, la-ngis, gamot, pagkain, pabahay, damit, palengke, media, sigarilyo, alak, atbp. Pero wala itong ipinapataw na anumang singil sa mga nakukuhang mina. Kinukuha ng minero ng libre ang sinasabi sa Konstitusyon na likas ng bansa, tapos nagba­bayad lang ng ordinaryong buwis. Libre na ang ginto, pilak, nickel at iba pang   yaman. Maling-mali!

* * *

Makinig sa Sapol, Sa­bado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments