Buong bansa hinihila ni Corona pabagsak
MAYA’T MAYA humihirit si impeached Chief Justice Renato Corona ng “due process” na ginagarantiya ng Konstitusyon. Pero ang garantiya na ito ay ukol lang sa pag-alis sa buhay, kalayaan at ari-arian ng isang mamamayan. Ayon sa Artikulo III, Katipunan ng mga Karapatan (Bill of Rights), Seksiyon 1: “Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sino mang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.” Naitatanong tuloy ng ilang mga abogado: pag-aari ba ang trato ni Corona sa posisyon ng Chief Justice?
Ang seksiyong ‘yan ang ihinihirit ni Corona para ipahinto sa Korte Suprema ang impeachment trial ng Senado. Umano, walang due process nang apurahin ng 188 kongresista ang pag-impeach sa kanya. At labag na raw sa batas ang pagkiling ng limang senator-judges sa prosecution sa paraan ng kanilang pagtatanong.
Habang nakasalang ang petisyon ni Corona sa Korte, nananatili siyang CJ. Siya pa rin ang taga-pirma ng suweldo, allowances, leaves, reimbursements, at certifications ng trabaho ng mga mahistrado. Ayaw sana natin isipin na nape-pressure sila sa hindi pag-leave of absence ni Corona. Pero maski hindi siya sumali sa debate samantalang nanatili sa puwesto, kinatigan siya ng Korte, sa botong 8-5, na huwag pabuksan ang dollar accounts niya. Ito’y bagamat hustisya ang pakay ng paglilitis.
Kung katigan din ng Korte ang pagtitigil sa impeachment trial, magkaka-constitutional crisis. Magbabangga ang dalawang magkasing-lakas ng sangay ng gobyerno: ang Lehislatura at Hudikatura. Maaring manghimasok ang militar at kumampi sa isang panig. Gulo ‘yan.
Balewala kaya kay Corona na lumubog ang bansa kasama niya?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending