IPINAG-UTOS ni Manila mayor Alfredo S. Lim ang pagbalasa sa ilang opisyal ng Manila Police District. Nag-ugat ang galit ni Lim nang kaladkarin ng mga tauhan ni Station 3 commander Supt. James Afalla ang apat na Koreano at kotongan ng $30,000. Isinauli naman ang dolyares matapos sumugod ang mga taga-Korean Embassy sa tanggapan ni MPD director Chief Supt. Alejandro Gutierrez. Sa totoo lang, walang alam si Gutierrez sa iskandalong sumaklob sa kanyang teritoryo dahil pilit itong itinago.
Aksyon to the rescue si Lim upang manumbalik ang tiwala ng mga dayuhan sa MPD at upang mapabuti ang transaksyon este ang serbisyo ng kapulisan sa kanyang lungsod. At dahil sa ngitngit at naglalagatukang ngipin ni Lim matapos ang kahihiyang sinapit sa mga tauhan ni Afalla agad na nilusaw ang lahat ng Station Anti-Illegal Drugs Unit ng 11 police stations ng MPD. Ibinaon si Afalla sa MPD headquarters habang inaayos este pinuproseso ang kaso at hinahanting ang 10 pulis na nangidnap at humuthot sa mga Koreano. Kasi kung patuloy na nakapuwesto si Afalla sa kanyang lungga tiyak na mawawala ang tiwala ng mga Koreano sa kredibilidad ng MPD at kay Lim.
Ang masakit nagpiyesta ang mga adik sa kalye nang mabalitaan nila na wala nang SAID sa 11 police station ng MPD. Nagpalakpakan ang pushers at users dahil marami na ang magugumon sa droga. Tiyak na dadami na naman ang krimen sa kaharian ni Lim sa mga susunod na mga araw. Kaya ang panawagan ngayon ng Manilenos kay Lim, ilagay lahat ang mga pulis na sinibak sa SAID (huwag lang ang 10 pulis na sangkot sa mga Koreano) sa District Anti-Illegal Drugs ng MPD headquarters upang magamit sa pagtugis sa drug pushers at users. Malaking tulong ito sa pagsugpo sa mga nagpapakalat at gumagamit ng droga sa Maynila dahil kapado at kakilala na nila ang mga karakas. Madaling mamonitor ito ni MPD director Gutierrez dahil nasa tungki na ng kanyang ilong ang departamento ng DAID. Ewan ko lang kung may kapasidad si Chief Insp. Robert Domingo sa pagrenda ng kanyang mga tauhan. Magaling si Domingo sa aking pananaw dahil dedikado sa kanyang sinum-paang tungkulin, ngunit ang napupuna ko lamang sa kanya ay kulang ang report na isinusumite dahil bukod sa super tahimik ang kanyang mga kilos mailap pa sa daga na makakuha kami ng estorya sa kanyang pang-araw-araw na aktibidades. Bahala na si Lim at Gutierrez sa kanya, basta ang mabuti sigurong gawin ni Domingo ay pag-ibayuhin pa ang kampanya sa drugs pushers and users. Good luck Major Domingo