KAMI ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay natutuwa sa napaulat na pag-ayuda ng United Kingdom sa promosyon ng mga maka-kalikasang teknolohiya tulad ng renewable energy, sustainable infrastructure at low emission transportation sa ating bansa. Ito ay sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad na ilulunsad ngayong Pebrero hanggang Marso ng British Embassy at ng United Kingdom Trade and Investment (UKTI) na naglalayong itaas ang awareness ng publiko hinggil sa nasabing usapin.
Ayon sa embahada, ang halaga ng pandaigdigang merkado para sa mga produkto at serbisyong mula sa maka-kalikasang teknolohiya ay umaabot sa 3.2 trillion British pounds, at lalo pa umano itong lumalaki at lumalawak ngayon sa iba’t ibang bansa. Binigyang-diin ng embahada na ang paglinang, paggamit at pagpapalaganap ng ganitong uri ng teknolohiya ay makatutulong sa pangangalaga sa ating daigdig, gayundin sa pag-iwas sa negatibong epekto ng climate change.
Ang pagsusulong ng maka-kalikasang teknolohiya, partikular ang renewable energy, ay isa sa mga pangunahing adbokasiya ni Jinggoy. Iniakda niya noon ang Senate Bill Number 588 na isa sa mga pangunahing naging basehan ng ipinasang Renewable Energy Act (Republic Act 9513).
Nakasaad sa naturang batas ang pagbibigay ng sapat na pondo, suporta at atensyon sa pagpapaunlad ng mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya na indigenous o lokal, malinis, hindi nakasisira sa kalikasan at paulit-ulit na puwedeng gamitin dahil hindi nauubos. Kabilang sa mga ito ay ang init mula sa ilalim ng lupa (geothermal), init ng araw (solar), hangin (wind), alon sa dagat (oceanic waves) at mga katulad na energy sources.
Iginiit ni Jinggoy na nakatakda sa nasabing batas ang detalye ng mga hakba-ngin para sa pagpapaunlad ng renewable energy. Ang kailangan aniya ngayon ay dedikadong pagpupursige ng pagpapatupad nito.
• • • • • •
Birthday greetings kay dating Cavite Representative Plaridel “Tata Del” Abaya (February 25). Siya ay ama ni kasalukuyang Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya.