KUMAKALAT sa Internet ang artikulo ni Ken Murray kung paano mamatay ang karaniwang doktor. Hindi raw dapat, pero ibang-iba sila sa atin —dahil sa kagagawan natin. Ikinuwento ni Ken ang kaibigan niyang si Charlie, guro niya at tanyag na orthopedist. Nagkabukol ito sa tiyan, kaya nagpa-confine at nagpatingin agad sa serohano. Ang pasya: Pancreatic cancer. Hindi lang mahusay ang serohano, imbentor pa siya ng procedure para sa gan’ung klase ng cancer na nag-triple ng tsansa ng pasyente mula 5% hanggang 15%, bagamat pangit na ang kalidad ng buhay. Pero hindi na interesado si Charlie. Kinabukasan umuwi siya, isinara ang sariling klinika, at hindi na muli tumapak sa loob ng anomang ospital. Itinuon niya ang panahon sa pamilya at pagpapagaan ng pakiramdam. Makalipas ang ilang buwan pumanaw siya sa bahay. Walang chemotherapy o radiation o surgery. Halos walang ginasta ang Medicare niya.
Madalang pag-usapan, pero namamatay din ang mga doktor. At, ani Ken, ang maling pagkakaiba ay hindi ang lubos kundi halos walang pag-aasikaso sa kanila ng kapwa doktor. Bagamat tinutuon nila ang atensiyon sa pagpapabuhay sa iba, malumanay sila kapag sila mismo ang humaharap sa kamatayan. Alam nila ang mangyayari, ang maaring gawin at gastusin. Tapos, tahimik silang lumilipas.
Siyempre, tulad natin, ayaw nilang mamatay, nais nilang manatili pa. Pero alam nila ang hangganan ng modernong medisina. At sa dami ng naging pasyente, alam nila ang ikinakatakot ng karamihan sa kamatayan — ang mamatay nang naghihirap at nag-iisa. Kaya ito ang iniiwasan nila, at kinakausap at ihinahanda nila ang pamilya na huwag nang panatilihin ang buhay kung wala na rin lang pag-asa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com