EDITORYAL - 'Pataynity'
HINDI pa rin nagkakaroon ng leksiyon ang ilang fraternities. Sa kabila na marami nang mga namatay dahil sa isinasagawang initiation rites, patuloy pa rin ang ganitong ritwal. Kahit na mayroon nang Anti-Hazing Law patuloy pa ring isinasagawa ang brutal na pagpalo sa binti, hita, pananampal, pag-untog at kung anu-ano pang pananakit sa bagong recruit. Ang nakapagtataka pa, mga nag-aaral ng batas ang kadalasang sangkot sa brutal na initiation. Para bang naging ignorante sa batas ang mga miyembro ng fraternity sapagkat sa mismong mga kamay nila nawala ang buhay ng kanilang ka-brod. Tila nawala na ang kahulugan ng kapatiran sa brutal na initiation.
Isang buhay na naman ang nasayang dahil sa hazing. Isang Law student sa San Beda ang grabeng nagtamo ng grabeng bugbog at mga pasa sa katawan dahil sa isinagawang initiation rites noong Linggo. Patay na nang dalhin sa Unciano Medical Center sa Antipolo City ang biktimang si Marvin Reglos, 25, miyembro ng Lambda Rho Sigma. Ayon sa report, dalawang lalaki ang nagdala kay Reglos sa ospital. Ayon pa sa report dalawa pang miyembro ng fraternity ang grabeng nabugbog at ang isa ay nasa critical condition. Dalawang suspect na ang hawak ng pulisya. Ipinag-utos na ni Justice Secretary Leila de Lima ang imbestigasyon para maibigay ang hustisya kay Reglos. Si De Lima, isang Bedan ay sister Sorority ng Lambda Rho Sigma. Ipinangako ng Justice Secretary ang mabilis na pagresolba sa pagkamatay ni Reglos.
Si Reglos ay kabilang na sa mga nasayang ang buhay dahil sa fraternity. Hindi naman dapat humantong sa ganito ang lahat kung naging maingat lamang ang mga miyembro at piniling huwag nang ibilang sa rites ang grabeng pagpapahirap. Maaari namang pagawain ng ibang mahirap na bagay ang neophyte para mapabilang sa grupo. Bakit kailangang paluin, sampalin, suntukin at iuntog para masabing kabilang na sa “kapatiran”? Sana ay matigil na ang ganitong uri ng pagpapahirap para wala nang masayang na buhay.
- Latest
- Trending