Mga gustong maging abogado pa naman!
MATAGAL ko nang sinusulat na isa sa masamang kaugalian nating mga Pilipino ay hindi tayo natututo sa mga nakaraang pangyayari. Parang hindi nauukit sa ating isipan ang mga pagkakamali ng iba, at hindi rin tayo natatakot sa batas! Isang freshman ng San Beda Law School ang namatay matapos dumaan sa isang hinihinalang hazing. Patay na nang dalhin si Marvin Reglos sa isang ospital, kung saan puro bugbog ang buong katawan! Arestado ang dalawang bumalik sa ospital para tingnan ang kundisyon ni Reglos. Pero sigurado hindi lang dalawa ang lumahok sa hazing, para ganyang makapatay sa bugbog ang isang tao!
Kabalintunaan talaga na mga nag-aaral pa ng abogasya ang gagawa ng ganitong klaseng kalokohan! Mga gustong maging abogado! Alam naman siguro nila na may Anti-Hazing Law na ang bansa dahil na rin sa isang sumikat na kaso ng hazing kung saan namatay rin ang biktima. Sa San Beda Law School rin nagtapos si Sec. Leila de Lima ng DOJ! At kagulat-gulat pa na nataon ang paglabas ng pinal na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa kaso ni Lenny Villa! Lahat iyan ay hindi pa rin nagbigay ng pag-iisip sa mga gumanap sa hazing na pumatay kay Marvin Reglos!
Ang hazing ngayon ay may parusang habambuhay na kulong kapag napatunayang may sala. Pero wala pa yata akong naririnig na nakukulong ng panghabambuhay sa mga nakaraang kaso ng hazing kung saan namatay rin ang mga biktima! Kadalasan kasi ay mga anak ng mga kilalang abogado at miyembro rin ng mga maimpluwensiyang fraternity yung mga gumaganap ng hazing, kaya napapabagal siguro ang kaso o napapabayaan na lang hanggang sa mabaon sa limot! Tandaan, may panunumpa ang mga “frat boys” na “my brother, right or wrong!” Ipagtatanggol ng mga iyan ang kanilang “brad”, kahit anong mangyari!
Pinasusuri muli ni Sec. de Lima ang Anti-Hazing Law, kung saan dapat baguhin para mas lalong magka-pangil. Dapat parusahan rin daw ang mga alumni na nandoon sa pangyayari ng isang hazing. Sila ang mas nakatatanda, at mga abogado na! Kaya kung nundun sila sa isang hazing at walang ginagawa para pigilin ito, kinukunsinti na nila ang lahat ng mangyayari, pananakit man o kung ano pa. Isa ring kundisyon ay kung lasing din ang mga gumaganap ng hazing. May pananagutan kaagad kung nakainom.
Hindi na tinatanggap ang pangangatwiran na tra-disyon ang hazing, kaya nagaganap pa rin ito. Hindi na rin tinatanggap na may kunsinti naman ng biktima ang lahat ng gagawin sa kanya. Ang hazing ay isa nang krimen, kung saan panghabambuhay na kulong ang parusa. Ito ang dapat tinuturo sa lahat ng gustong maging abogado sa unang araw ng pagpasok pa lang!
- Latest
- Trending