HILONG-talilong ang Manila Police District-Criminal Investigation and Detection Unit hinggil sa pag-ambus kay National Bureau of Investigation Deputy Director Atty. Reynaldo Esmeralda, kapatid nitong si SPO1 Nilo Esmeralda at driver-bodyguard na si SPO1 Danilo Ostia kamakalawa ng gabi. Ito’y matapos linisin ng nagresponding kasamahan ni Esmeralda ang crime scene sa may tulay ng Estero de Paco sa Apacible St., Paco, Manila. Maging ang dark color Land Cruiser (XJS-858) ni Esmeralda na binistay ng bala ay itinago pa ng NBI kaya sa ngayon blanko ang MPD-CIDU na matukoy ang mga salarin.
Ewan ko kung tama ang ginawa ng NBI. Maging ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay hindi umano pinayagan na makapasok matapos ang super higpit na seguridad na inilatag sa NBI compound sa Taft Avenue, Ermita, Manila at Manila Doctors Hospital. Ano kaya ang nasa likod ng pag-ambus kay Esmeralda? Iyan ngayon ang malaking katanungan na kumakalat sa bakuran ng MPD. Kasi nga kung pagbabatayan ang pahayag ni Justice secretary Leila de Lima matapos ang pag-ambus kay Esmeralda, lumalabas na ang ugat ay ang Ohara case. Ito palang si Esmeralda ang susi sa pag-expose ng Ohara case na nagresulta sa pagkasibak kay dating NBI director Magtanggol Gatdula.
Si Gatdula bago naging NBI director ay dating police general. Lumalabas na walang tiwala ang NBI sa kredibilidad ng MPD sa pag-imbestiga sa pag-ambus. Kung may tiwala tiyak na malaki ang maitutulong ng mga pulis na matukoy ang dalawang gunmen na riding-in-tandem. Maging ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakabase sa MPD compound ay gayundin ang pananaw. Ayon pa sa aking mga kausap na pulis, “police matter’ ito na dapat sanay hindi nila ipinagkait sa MPD. Ang masakit ang MPD ang masisisi sa krimen dahil nagkulang na naman sila ng pagpapatrulya sa daan at kabilang nga si Esme-ralda sa naging biktima ng riding-in-tandem.
May kalalagyan kaya si Ermita Police Station 5 chief Supt. Ricardo Layug sa insidenteng ito? Sa pagkakaalam ko, pinaiiral ni PNP chief Director Gene-ral Nicanor Bartolome ang one strike policy particular ang usaping pag-ambus sa mga matataas na tao sa lipunan. At dahil nga sa contender sa pagiging NBI Director si Esmeralda, maituturing na high profile person ito na dapat pangalagaan sa kalye. Ang masakit paano sasagutin ni Supt. Layug ang magiging asunto niya sa hinaharap kung ang lahat ng pagbabatayan sa imbestigasyon ay lusaw na. Abangan! --