Huwag kaming tawaging buwaya!
KAPAG narinig natin ang salitang buwaya, bukod sa mabagsik na hayop, ipinatutungkol din ito sa mga manla-laro ng basketball na ayaw magpasa ng bola sa ka-tropa.
Ipinatutungkol din ito sa mga Kongresistang masiba at walang kabusugan sa paggawa ng katiwalian.
Dahil dito’y nananawagan ang kabalen kong si Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, Jr. na itigil na sana ang ganitong katawagan.
Partikular na nanawagan si Gonzales sa pamamagitan ng isang resolusyon sa industriya ng pelikula at telebisyon na huwag naman silang gawing palaging kontrabida.
Oo nga naman. Madalas ilarawan sa pelikula ang isang Kongresista na pinuno pa ng sindikatong kriminal. Kongresista mismo ang nakikipagratratan sa bida kapag nasusukol sa buktot niyang ginagawa. Kaya tila permanenteng nailapat na ang katawagang “buwaya” kapag pinatutungkulan ang mga tiwaling mambabatas.
Pero sino ang dapat sisihin? I believe the Congressmen themselves should take the first move to clean their image which , for the longest time has become synonymous to pork barrels spent for their image-building, commissions and passing bills favoring certain quarters for a fee or favor.
Sa lahat naman ng sector ng lipunan, maging sa gobyerno o pribadong sector ay may korapsyon na dapat supilin. Kaso nagtataka ako kumbakit tila ang Kongreso ang nakakopo sa ganyang pangit na imahe.
Anyway, tama si Rep. Gonzales. Nakakasira sa imahe ng mga mambabatas na tawagin silang “crooks and villains.”
Marami ang magagalit lalu na yung mga nasa animal rights group kapag sila’y tinawag na buwaya.
Sabi nga ng iba, buti pa yung mga buwayang totoo ay nagpapahinga kapag nabusog. Yung mga magnanakaw, bundat na’y ayaw pang tantanan ang pagnanakaw.
But again, huwag namang ipatungkol lang sa mga mambabatas ang pagiging buwaya dahil maraming mambabatas din ang tapat sa tungkulin at hindi tiwali.
- Latest
- Trending