'Muling pagbisita ng BITAG sa mga lungga ng kalokohan!'
WALONG taon na ang nakararaan nang umpisahan ng BITAG ang mga gulpi de gulat na pagbisita sa mga bilyaran at inuman sa University Belt at Walled City sa Manila.
Kasama ang Manila City Hall Police Detachment at mga kawani ng Bureau of Permits, nabulabog ang lungga ng kalokohan ng mga estudyante noon sa U-belt at Walled City.
Matatandaan, naidokumento pa ng BITAG ang mga aktuwal na pagwawala ng mga estudyante sa loob ng mga bilyaran at inuman, sa oras mismo ng klase, suot pa ang kani-kanilang uniporme. Ang mga magulang noon ang lumapit sa BITAG upang matigil ang operasyon ng mga bilyaran at inuman na ito na ilang metro lamang ang layo sa mga unibersidad.
Hindi pa dito natapos ang pagbulabog sa mga nasabing establisyamento. Ilang mga investigative program pa sa malalaking estasyon ang nagsagawa rin ng raid kasama ang mga alagad ng batas at kawani ng City Hall. Ang siste, nagbabago lamang ng pangalan, bukas pa rin ang mga nasabing bilyaran at inuman lalo na sa U-belt.
Taong 2012, muling binisita ng BITAG ang mga lungga ng kalokohan. May ilang taon na rin nanahimik ang mga ito matapos sunod-sunod na mai-expose sa media ang kanilang negosyo.
Ganoon pa rin ang kalakaran. Walang humpay na inuman ng mga estudyante simula alas-8 ng umaga hanggang gabi suot ang kanilang mga uniporme, depende kung saan pumapasok ang mga ito. Magkakahalo, may mga menor de edad, may nasa tamang gulang, may grupo-grupong gangster at merong mga naaya lamang.
Sa imbestigasyon ng BI-TAG ngayong 2012, nagkaroon na ng security measures ang mga kolokoy na inuman at bilyaran. Security measures para maiwasan ang surveillance at timbrehan para sila’y sorpresang inspeksiyunin.
Ngayon, ipinagbabawal na ang paggamit ng cell phone, mapa-text man o tawag habang nasa paligid ka ng establisimento. Alam na alam na ng mga namamahala na cell phone ang ginagamit ng mga alagad ng batas bilang go signal kapag positibo na ang lulusubin.
Blacklight na rin ang ginagamit sa loob mismo ng bilyaran. Para sa kung sino man ang magsasagawa ng surveillance sa loob, walang maidodokumento.
Ilan lamang ito sa mga natuklasan ng BITAG sa muli naming pagbisita sa mga lungga ng kalokohan o yung mga bilyaran at inuman sa U-belt Manila.
Ang buong detalye ng gulpi de gulat na inspeksiyong ito.
Abangan!
- Latest
- Trending