SABAGAY, kailangan din marahil ang comic relief sa isang running (albeit boring) impeachment trial na isang buwan nang sinusubaybayan sa telebisyon at radyo.
Humigit-kumulang ay parang alam na alam na natin kung sinu-sino sa mga senator-judges ang papabor o hindi sa conviction ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Hindi nakaligtas sa katarayan ni Senadora Miriam Defensor-Santiago pati si lead prosecutor Neil Tupas.
Komento naman ng marami kay Sen. Franklin Drilon, sobra to the max ang pagiging bias para sa prosecution. Pero alam n’yo bang may iba pang senator-judges ang para bang nagpapatawa sa barberya sa tuwing sila’y eeksena? Buti pa si Senator-Judge Lito Lapid ay naiintindihan natin kung laitin naman siya ng iilan nang minsang magtanong bilang hukom.
Anang isang kaibigang kakuwentuhan ko. nakatatawa si Senator-Judge TG Guingona. Mistula raw nagpi-privilege tuwing may manipestasyong sasabihin. Kung ano kasi ang lakas ng boses ay siya namang laki ng bilog ng mga mata. In fairness, idol lang marahil niya ang kanyang amang si ex-vice President Tito Guingona na halos ganoon din ang estilo sa pagsasalita. Lahi kasi ng stage actors ang mga iyan. Kaibigan ko ang kamag-anak nilang si Bart Guingona na batikang stage-actor at director. Madalas, ginagamit ni Guingona sa kanyang talumpati ang taumbayan.
Pinuna rin ng kaibigan ko si Senator-Judge Sonny Trillanes partikular sa sinabing hindi raw sila tinuruan sa Philippine Military Academy na maging santo at lalong hindi sila tinuruan na lumabag sa batas.
“Pero hindi ba ang mga pinangunahang tangkang ku-deta ay labag sa batas?” Dugtong-tanong ng aking kaibigan.
Sa akin naman ay tila nakatulong ang mga kinasangkutang rebelyon ni Sen. Trillanes dahil nakilala siya at nahalal ng Senador ng bayan.
Anyway, panawagan natin sa ating mga kababayan, manatili tayong mapagmatyag dahil hindi lamang ang ‘lutuan,’ ‘kampihan’ at ‘aregluhan’ ang mangyayari sa Senado kundi marami pang mga mambabatas ang lilitaw ang totoong kulay sa pag-ariba ng prosesong ito na idinadalangin kong nawa’y matapos na!