EDITORYAL - Nakakatakot sa Argentina

HINDI pala dapat dumayo ng boksing sa Argentina sapagkat nasa panganib kapag natalo ang makakalabang Argentinian. Kapag tinalo ang kanilang iniidolong boxer doon, nagwawala ang manonood at kukuyugin ang kalaban. Mabuti at walang namatay nang umulan ng silya, bote, at iba pang bagay sa ring.

Ganyan ang nangyari noong nakaraang linggo, sa grupo ng Pilipino champion na si Johnriel Casimero. Tinalo ni Casimero si Luis Lazarte sa 10th round. Nang makita ng fans ni Lazarte na natalo ang kanilang idolo, nambato na sila at pinagsusuntok ang referee at ang grupo ni Casimero. Kitang-kita ang video na pinagsusuntok ng Argentinians ang isang Pinoy na nakasuot ng pula, asul na nagre-represent sa watawat ng Pilipinas. Kung hindi naawat ng mga pulis baka napatay ang Pinoy. Hindi malaman nina Casimero kung saan susuling dahil nagliparan ang mga silya, bote at iba pang bagay.

Nakadidismaya ang nangyari. Hindi pala ligtas ang mga Pinoy kapag sa bansang iyon idinaos ang labanan. Ipinakita rin naman na walang nakahandang seguridad para sa mga dayuhan sapagkat mismong ang mga pulis at security ay walang nagawa sa mga “asong ulol” na duma­luhong kina Casimero. Ipinakita ang kawalan ng disiplina. Marami na rin namang nangyaring laban dito ng boxing na mga dayuhan ang nanalo laban sa Pinoy pero walang nangyaring kaguluhan.

Nagalit ang Senado sa nangyari at inatasang pauwiin ang ambassador ng Pilipinas sa Argentina. Kahit na humingi na ng sorry ang Argentinian ambassador sa Pilipinas, hindi pa rin ito sapat dahil nilapastangan ang ating watawat.

Tama lamang ang payo na i-ban ang Argentina para pagdausan ng boxing bout. Kung sa kanilang bansa gagawin ang laban, maraming mapapahamak. Huwag hayaang maulit ang nangyari. Iwasan ang mga sangganong Argentinian. Hindi sila nararapat sa boxing.

Show comments