Kalikasan nagagalit?

Malakas ang ulan – agad na nagbaha

apaw sa basura ang ilog at sapa;

Estero at kanal ay binahayan na

lunod na sa tubig palasyo at dampa!

Malakas ang hangin na dala ng bagyo

mga punongkahoy bumagsak sa bayo;

Tao at halaman nahagip din nito

pati mga hayop nangamatay rito!

Malakas ang bagyong may ulan at hangin

malalaking bahay ay nawasak na rin;

Dampa ng mahirap lumipad ang dinding –

nasa tabing-ilog – landslide dumating!

Malakas ang lindol na biglang tumama

sa lunsod at bayang dati nang kawawa;

Bagsakan ang tulay nabiyak ang lupa

maraming nalibing – bata at matanda!

Malakas ang alon ng tubig sa dagat

higanteng tsunami ang biglang lumabas;

Tao at halaman ay kanyang hinampas

pati mga hayop hindi nakaligtas!

Maraming trahedyang dala ng panahon

na sa ating bansa’y tumatama ngayon;

Inang Kalikasan - anak-Panginoon

sa sala ng tao ay nagrebolusyon!

Galit na galit na Inang Kalikasan

kaya nagsumbong na sa Poong Maykapal;

Kaya sa Philippines Kanyang pinayagan

gumanting bahagya – di naman lubusan!

Hindi nga lubusan sapagka’t kung lubos

hindi lamang dito tao’y mauubos;

Ang lahat ng bagay tiyak mapupulbos

planetang daigdig ay biglang sasabog!

Kaya mga Pinoy -- mga kababayan

tayo ay magbago at ating igalang

Ang likha ng Diyos – Inang Kalikasan –

tiyak ang sakuna’y di natin kakamtan!

Show comments