Hindi nagsisinungaling ang mga datos
Aksidente ng sasakyan ang pang-apat na dahilan na ikinamamatay ng mga mamamayan sa Pilipinas! Sa higit 8,000 aksidente na naitala ng DOH sa siyam na buwan ng nakaraang taon, kalahati ng bilang na ito ay sangkot ang motorsiklo! Sa mga CCTV footage ng MMDA sa iba’t ibang bahagi ng siyudad, kitang-kita ang pagwalambahala at hindi pagsunod ng mga motorsiklo sa batas-trapiko, kaya nasasangkot sa aksidente. Mga hindi sumusunod sa ilaw, mga nag-counterflow, mga humahataw kahit hindi naman talaga kaya ang ganun kabilis magpatakbo.
Sa totoo nga, tila wala sa tamang isip ang ilang mga naka-motorsiklo sa kalye. Tila hindi sila kasali sa pagsunod sa batas, may ugali na sila dapat ang nasusunod sa kalye pagdating sa bigayan, at puwede na lang sumingit at dumaan kahit saan kaya hindi lang mga sasakyan ang natatamaan kundi mga naglalakad na rin! Marami riyan dumadaan sa mga sidewalk kapag ma-trapik lang ng sandali! At ang mahirap, hindi naman hinuhuli ng MMDA kaya tila may kunsinti pa mula sa otoridad!
Sa Lunes, magmumulta na ang mga lalabag sa motorcycle lane sa EDSA. Tiyak marami pa rin ang mamumultahan sa mga unang araw ng pagpapatupad ng bagong batas. Pero inaasahan na habang dumadaan ang mga araw at nagiging malinaw na huhulihin na talaga ang lahat ng mga lalabag sa motorcycle lane, mababawasan na ang mga aksidente sa EDSA kung saan sangkot ang motorsiklo. Katulad ng pinatupad sa Commonwealth Ave., kasabay ng speed limit na 60 kilometro bawat oras, na naging matagumpay sa pagbawas ng bilang ng mga aksidente.
At bago ko makalimutan, isa ring sanhi ng mga namamatay na nagmo-motor kapag nasasangkot sa aksidente, ay ang paggamit ng substandard na helmet, o yung mga walang helmet! Mara-ming helmet na binebenta na maporma o makulay tingnan, pero hindi naman dumaan sa tamang pagsusuri at walang kalidad. Huwag magtipid sa helmet. Sakit din na-ting Pilipino ito. Magastos sa maraming bagay – tulad ng mga bagong cell phone at anu-ano pang mga gadget – pero pagda-ting sa kalusugan o kaligtasan, doon pa nagtitipid! Hindi tama iyon! Aanhin pa ang mga pinaggagastusan, kung wala ka na dahil lamang nagtipid sa helmet?
- Latest
- Trending