Nakapangangamba na ang nangyayari. Habang itinutumba ang mga punongkahoy, kasabay din namang itinutumba ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lumalaban sa illegal logging. Kasabay sa pag-ubos sa mga punongkahoy, kasabay ding inuubos ang mga taong nagmamalasakit sa mga gubat.
Gaya ng nangyari kay Melania Dirain, isang opisyal ng DENR sa Sanchez Mira, Cagayan na binaril noong Miyerkules. Malagim ang pagpatay kay Dirain na nakunan ng CCTV. Pinasok ng isang gunman ang kanyang opisina at binaril. Hindi napuruhan si Dirain dahil nakita ng janitor ang pangyayari at tinangkang agawin ang baril ng suspek. Binaril ang janitor. Muling binalikan ng gunman ang nakabulagtang si Dirain at pinaputukan pa ng ilang beses. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang DENR official.
Dahil sa illegal logging ang dahilan kaya itinumba si Dirain. Tiniyak ng isang mataas na opisyal ng DENR na isang illegal logger na naapektuhan ng ginagawang kampanya ni Dirain ang nagpapatay dito. Hindi pa umano natatagalan sa kanyang puwesto si Dirain pero marami nang nasagasaang illegal logger sa Sanchez Mira. Ayon pa sa DENR official, talamak ang illegal logging sa Cagayan at ang ginagawa ni Dirain ay hindi nagugustuhan ng illegal loggers.
Ang pagpatay kay Dirain ay hindi dapat ipagwalambahala ng Aquino administration. Hulihin ang pumatay kay Dirain ganundin ang nasa likod ng pagpatay. Kung patuloy ang pagpatay sa mga matitinong DENR official, wala nang manga-ngahas pang pangalagaan ang mga kagubatan Mauubos ang mga puno at mawawasak ang mga bundok. Magkakaroon ng pagbaha at mauubos ang mamamayan.
Bago pa maubos ang mga puno at mga taong nagmamalasakit sa mga likas na yaman, unahing lipulin ang illegal loggers.