MAY kakaibang “lindol” sa siyudad ng Dagupan. Ito ay ang malaon nang tension o banggaan nina Mayor Benjie Lim, ang kanyang tapat na ayudante na si City Administrator Vlad Mata sa isang panig at Vice Mayor Belen Fernandez at ang mayoria ng Sangguniang Panglungsod (SP).
Dahil sa banggaan ng magkabilang kampo, pinipigilan umano ng alkalde ang mga hepe ng departamento na dumalo sa hearing ng SP para sa taunang budget ng lungsod. Iyan ang dahilan kung bakit naaantala ang release ng budget ng lungsod na nakakahadlang sa mga proyektong dapat ipatupad.
Palaisipan pa rin kung bakit ayaw padaluhin ng alkalde sa pagdinig ang mga heads of departments na dapat sana’y magpaliwanag sa kanilang mga gastusin.
Ayon sa vice mayor hindi magandang pikit-matang aprobahan na lang ang pang-lungsod na budget nang hindi masusing pinag-aaralan ang mga pagkakagastusan dito.
Isa sa mga proyekto sa siyudad ay ang pagtatayo ng “tsunami hill” na naglalayong pigilin ang matinding baha na posibleng sumalanta sa mga residente ng lungsod. Ang proyekto ay panukala ng City Disaster Reduction Risk Management Center (CDRRMC) sa pamumuno ni administrator Mata sa Bgy. Pugaro.
Kaso, sinasabi ng ilang konsehal na nang iprisinta ang proyekto sa Sanggunian, wala itong lakip na detalyadong pag-aaral na gawa ng mga eksperto para malinaw na maunawaan ang rationale ng proyekto.
Anang Vice Mayor, nag-iingat na raw sila sa basta-basta pag-aproba dahil “napaso” na sila nang ang CDRRMC ay nakagamit ng P10-milyon para sa isang kalamidad gayung wala namang idinideklarang kalamidad sa siyudad.
Aba, mas matinding kalamidad ang nangyayaring banggaang ito na nakakaapekto sa implementasyon ng magagandang programa sa lungsod. Dapat marahil ay mamagitan na sa isyung ito si DILG Sec. Jesse Robredo.