WALA pang isang taon mula nang mabuking ang paglalamiyerda umano ni dating Batangas governor Jose Antonio Leviste, ay eto at meron na namang masamang amoy na nalalanghap sa New Bilibid Prison (NBP). May mga anomalya na naman umanong nangyayari at itinuturo sangkot ang kasalukuyang director ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gaudencio Pangilinan. Ayon sa report, isang opisyal ng NBP ang nagbulgar na hindi na dumadaan sa bidding ang ipinagagawang building sa NBP. Nagkakahalaga umano ng P50 milyon ang ipinagagawang building at si Pangilinan ang may kagustuhan nito. Wala umanong makapalag sa mga taga-NBP sapagkat natatakot kay Pangilinan.
Ayon pa sa report, mas malala ang nangyayari ngayong pagbibigay ng kaluwagan sa mga presong mayayaman sapagkat nakakalabas pa rin sila at mayroon pa umanong maaayos at komportableng higaan. Binanggit sa report na ang convicted killer na si Rolito Go ay nakakalabas ng bilangguan para bisitahin ang kanyang money lending business. Ilang oras din umanong nawawala si Go. Umano’y may sasakyan na sumusundo at naghahatid kay Go. Labingwalong taon nang nakakulong si Go dahil sa pagbaril sa La Salle graduate na si Eldon Maguan. Nag-ugat ang pamamaril dahil sa away trapiko.
Mayroon pang VIP o Very Important Preso? Itinanggi naman ni Pangilinan ang akusasyong may anomalya at hinahayaang may makalabas na preso. May galit umano sa kanya ang nag-aakusa dahil ililipat niya ito sa penal colony. Kung anu-anong istorya umano ang naglalabasan pero hindi umano niya ito binibigyan pansin bagkus ang kautusan ni President Noynoy Aquino ang kanyang pinagkakaabalahan. Ipinatutupad na umano niya ang pagreporma sa NBP.
Ang dating BuCor Director na si Ernesto Diokno ay naalis sa puwesto dahil na rin sa mga nangyaring paglabas-masok ng mga VIP? Kahit na kaalyado ni Aquino si Diokno ay inalis pa rin ito. Mas maganda kung magkakaroon pa rin ng imbestigasyon sa alegasyon na nauulit na naman ang pagbibigay ng kaluwagan sa mga mayayamang preso sa kasalukuyan. Hindi ito dapat ibalewala. Siyasatin kung may corruption at Very Important Preso sa NBP.