Paglilitis ni Corona paikliin na lang
BALAK ni deputy lead congressman-prosecutor Rodolfo Fariñas, apat na lang sa walong Articles of Impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona ang ipalitis sa Senado. Ibasura na lang daw ang apat na paratang na mahirap patunayan. Bagamat hindi niya tinukoy kung ano-ano ang mga articles, ito umano ang rason kung bakit hindi siya pumirma rito.
Kahalintulad ito ng panukala ni prosecution panel spokesman Rep. Ramiro Quimbo. Aniya pagkatapos ng unang tatlong articles — II, III at VII— mag-file na lang ng pleading ang prosecution, at huwag nang maglahad ng mga testigo, para mapaikli ang proseso. Pagsimulain na raw agad magpresenta ang depensa ni Corona. Article II ang pagtatago at pagpapaliit ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth; Article II ang pakikipag-usap sa mga may kasong nakabinbin sa Korte Suprema at sunud-sunod na paglahok sa mga kasong sangkot ang patron na dating-President Gloria Arroyo; Article VII ang lantarang pagkampi kay Arroyo nang payagan itong pumuslit sa abroad para makaiwas sa mga kasong kriminal.
Sa hiwalay na panayam, inamin ni Rep. Jesus Crispin Remulla kung bakit, bagamat isa siya sa mga pasimuno sa pag-impeach kay Corona, hindi siya pumirma sa articles. Para sa kanya, tatlo lang daw imbis na walo ang dapat na habla; ‘yung labis na lima, mahihina raw.
Samantala, lampas na sa budget na P10 milyon ang nagagasta ng Senado at House of Reps sa impeachment trial. Nauubos ang panahon ng mga mambabatas sa paglilitis. Nababaling masyado rito ang atensiyon ng gobyerno, imbis na sa kabuhayan ng bansa at kapakanan ng mahihirap. Mabuti pa nga paikliin na lang ang paglilitis. Mabigat na ang nalantad na krimen sa pagtatago at pagpapaliit ng SALNs.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending