Maghihintay pa ba ang mga otoridad?
Hindi na matatanggi ng mga drayber ng pampublikong bus na hindi sila talaga marunong magmaneho at hindi na rin matatanggi ng mga kompanya ng bus na wala silang pakialam kung marunong magmaneho ang drayber. Huling-huli ng CCTV ng Skyway ang aksidente kung saan nawalan ng kontrol ang JAC Liner. Basa ang kalsada dahil sa ulan, kaya nangyari lamang ang aksidente dahil sa pagkakamali ng drayber, wala nang ibang dahilan. Dumulas ang bus patagilid sa basang kalsada kung saan muntik pang matamaan ang katabing sasakyan. At dahil hindi nga marunong ang drayber ng mga tamang kilos para sa sitwasyong ito, humampas sa pader at mga poste ng Skyway, at tumuloy pa sa gitnang island bago tuluyang tumagilid. Tatlumpung pasahero ang nasaktan, may mga tumilapon pa! Mabuti na lang at walang namatay! Kaya ngayon, bukod sa mga pasaherong sasagutin daw ng kompanya, sira na ang bus at babayaran pa ang mga nasirang poste, pader at center island sa Skyway. Dahil lamang sa hindi sinuri nang mabuti ang drayber! Mabuti na lang at hindi tumawid ang bus sa kabilang lane! Siguro may namatay kung ganun ang nangyari!
Dahil may CCTV kung saan nakita ang buong pangyayari, wala nang mabigay na ibang dahilan ang drayber at kompanya ng bus. Maliwanag na kasalanan ng drayber. Masyadong mabilis magpatakbo sa basang kalsada, kaya nawalan ng kontrol. Kung siya ay nag-iisip na drayber, alam niya dapat ang estado ng kanyang mga gulong kung hanggang saang bilis na takbo sa basang kalsada ang kakayanin. Pero hindi, sige lang at nagpatakbo, dahil na rin siguro sa sistemang boundary ng kumpanya. Hindi pa yata pinatutupad na buwanang suwelduhan na ang mga drayber. Kung wala sigurong CCTV, sasabihin na may biglang pumreno sa harapan niya, o kaya’y may biglang sumingit na sasakyan, lahat na para lang hindi siya ang may kasalanan!
Kung mahigpit ang speed limit sa Commonwealth, dapat meron na rin sa Skyway, lalo na para sa mga bus. Hindi ito ang huling aksidente kung saan drayber ng pampublikong bus ang may kasalanan. Napakaraming mga bus pa diyan, kung saan halos lahat ng drayber ay hindi naman kumpleto ang pagsasanay sa pagdadala ng bus. Mabuti sana kung sila lang ang masasaktan, e hindi. Katulad na nga nito, 30 ang nasaktan. Pasalamat sila sa Diyos na walang namatay. Pero hihintayin pa ba natin iyon bago kumilos na naman ang mga otoridad? Mabuti na lang at may CCTV!
- Latest
- Trending