Dapat tularan ang ginawa ng Philippine Military Academy (PMA) kay dating Maj. Gen. Carlos Garcia. Itinakwil nila ang dating heneral dahil sa ginawa nitong paglustay sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong siya pa ang comptroller. Hindi na nasikmura ng mga taga-PMA ang ginawa ni Garcia kaya napagpasyahan nilang alisin ito sa roster ng akademya.
Nabunyag ang paglustay ng pondo ng AFP noong 2005 makaraang mahuli ang asawa at anak ni Garcia habang nasa US airport na may dalang libu-libong dolyar. Nabuking ang mga ari-arian ni Garcia sa US at maging sa Pilipinas. Maraming bahay, lupain at mga sasakyan na hindi angkop sa suweldo niya bilang comptroller.
Pagkaraan ng walong taon, tuluyan nang itinakwil ng PMA ang dati nilang miyembro. Hindi karapat-dapat ang katulad ni Garcia sa tinitingalang PMA. Kilala ang PMA na humuhubog para magkaroon ng mabuti, malinis at matapat na sundalo ang republika.
Kahanga-hanga ang ginawa ng PMA sa kanilang dating miyembro na nagbigay ng batik o dungis. Ang ginawang ito ay dapat pang magpatuloy sa hinaharap upang magsilbing babala sa iba pang gagawa ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kung ang lahat ng mga miyembro ng PMA na napatunayang gumawa ng masama ay itatakwil, malilipol ang mga itinuturing na “anay” sa akademya.
Bukod kay Garcia, ilan pang opisyal ng AFP (na graduate din ng PMA) ang nasasangkot sa paglustay ng pondo at inimbestigahan na ng Senado. May mga heneral ng AFP na tumanggap din ng “pabaon” nang sila ay magretiro. Pawang mga nagtapos din sa PMA ang mga inaakusahang tumanggap ng “pabaon”.
Sana gayahin din ng ibang organisasyon ang ginawa ng PMA laban sa kanilang da-ting miyembro. Ito ang magbibigay daan para malipol ang mga corrupt sa bayan. Itakwil ang mga “batik”.