'Iniluwa ng tadhana'
HUWAG IWASAN ang responsibilidad kapag tayo ay nakaperwisyo sa ibang tao! Sa kagustuhan mong matagpuan ang iyong sabit kapag iginuhit ng tadhana na ikaw ay mahahanap, iluluwa ka nito para makita.
Nagsadya sa aming tanggapan si Edison Fungo, 33 taong gulang ng Caloocan City. Inilalapit niya ang umanong panlolokong ginawa ng isang ahensyang nagpaalis sa kanya.
Marso 2005 nag-apply si Edison sa Al Hirsh Manpower sa Malate. Nakausap niya ang isang ‘staff’ na si Emily. “Helper’ ang posisyon ni Edison.
Sumunod nagpunta siya sa Philippine Overseas Employer Association (POEA). Napag-alaman niya na ang may-ari ay si Olivia Hirsh.
Makalipas ang apat na araw, dumating ang ‘employer’ na isang ‘Jordanian’. In-interview siya nito at pinabalik para sa kontrata,’salary deduction’ daw ang mangyayari para makaalis agad si Edison.
Mayo 2005 lumipad patungong Riyadh Saudi Arabia si Edison kasama niya si Rolando. Pagdating dun walang sumundo sa kanila sa airport. Naghintay sila hanggang abutin ng umaga. May naawang Pilipino sa kanila. Sinama sila sa ‘barracks’ nito upang doon pansamantalang manuluyan.
“Kung walang kumupkop sa amin, hindi namin alam saan kami pupulutin,” sabi ni Edison.
Makalipas ang isang linggo sinundo si Rolando. Hindi daw nila tatanggapin si Edison. Isa lang ang helper na kailangan nila.
Naiwan si Edison. Dinala siya ng isang kababayan sa Diplomat Quarters sa Philippine Embassy sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Nakipag-ugnayan ang POLO sa employer ni Edison na Al Twaik Company o Absolute Solutions. Nagmatigas ito na hindi nila kukunin si Edison. Ayaw sagutin ang pamasahe niya pabalik sa Pilipinas. Hindi rin siya binigyan ng ‘exit visa’.
Tinawagan din ng POLO ang Al Hirsh. Aayusin daw nila ang problema. Namasukan si Edison na kusinero at driver para sa libreng pagtira niya.
Tatlong buwan ng nagpadala ng ticket ang Al Hirsh. Nakauwi siya sa pamamagitan ng ‘repatriation letter’. Dumiretso siya sa National Labor Relations Commission (NLRC) upang magreklamo sa ginawa sa kanya ng Al Hirsh.
Nagsampa siya ng kasong ‘Illegal dismissal at Breach of Overseas Contract’. Isang beses lang lumutang ang representative ng Al Hirsh sa hearing. Nagkaroon ng ‘resolution’ ang kasong ito noong ika-26 ng Hunyo 2007.
Pinapabayaran sa Al Hirsh ang danyos na U$ 1,680 para sa sahod sa loob ng anim na buwan. Ang halagang Php5,000 para sa ‘placement fee’ na may 12% interest per annum, Php100,000 para sa moral damages at exemplary damages.
May nakilala si Edison sa Saudi na tumulong sa kanya para makapag-trabaho sa Korea. Nag-iwan siya ng Special Power of Attorney (SPA) para ang misis niya na si Celeste kaya ito ang nag-asikaso ng reklamo ni Edison.
Taong 2008, nakuha na rin ni Celeste ang ‘Writ of Execution’ galing sa NLRC na pirmado ng Labor Arbiter na si “Ligerio Ancheta”. Isang sheriff na si Ronnie Jalalain ang nakausap niya. Pinaliwanag nito kay Celeste na wala na daw ang Al Hirsh kaya hindi nila mapupuntahan.
Nawalan ng pag-asa si Edison ngunit tadhana na mismo ang nagturo sa kanya para maipagpatuloy ang kanyang laban.
Taong 2010, nakilala ng ina ni Edison na si Eufemia ang isang babae. Anak daw siya ng may-ari ng Al Hirsh. Naikwento nito na Olivia Hirsh ang pangalan ng nanay niya at sinabing may bago na daw itong agency na Babylon Agency.
Hindi nagpahalata si Eufemia. “Small world talaga. Yung kapatid ko may kaibigang seaman na pumasyal sa bahay namin kasama ang girl friend niya, Yung babae na yun ang anak ni Olivia”. kwento ni Edison.
Bumalik si Celeste sa sheriff dala ang impormasyon. Pinayuhan sila ng sheriff na kumuha ng katibayan na iisang tao lang ang may-ari ng Al Hirsh at Babylon.
Pebrero 2011, nakakuha si Celeste ng certification mula sa POEA. Base sa mga available records, ang presidente ng Al Hirsh Manpower Services Inc. ay si Olivia M. Hirsh. Nakansela ang lisensya nito noong ika-3 ng Agosto 2006.
Ang Babylon International Services Inc .naman ay pinamumunuan ni Olivia G. Macusi na may valid license hanggang May 16, 2012.
Disyembre 10, 2011 nag-resign si Edison dahil hindi nagbibigay ng bakasyon ang kanyang employer sa Korea. Pag-uwi niya dito at saka niya napag-tuunan ng pansin ang naiwan niyang kaso laban sa Al Hirsh agency.
Nais magpatulong ni Edison upang malaman kung may kaugnayan o iisa lang ba ang may-ari ng Babylon at Al Hirsh kaya nagsadya sa aming tanggapan.
“Sana matulungan niyo ako na makuha ang certificate na iisa lang ang may-ari ng Babylon at Al Hirsh dahil iyon ang hinihingi ng sheriff. Ang tagal ko ng pinaglalaban ito” ayon kay Edison. .
Nakapanayam namin siya sa aming programang CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Bilang tulong inimbestigahan namin ang pangalang Olivia Macusi. Nakalap namin ang impormasyon na merong kaibigan si Olivia Macusi na ang pangalan ay Mahmoud Hirsh.
Si Mahmoud Hirsh ay nagtatrabaho sa Babylon International Services..
Dito pa lang siguradong si Olivia Hirsh na may-ari ng Al Hirsh at si Olivia G. Macusi ng Babylon ay iisa!
Hindi pa dyan natatapos ang lahat. Ni-research namin ang telephone number ng Babylon. Tinawagan ko ito at personal na nakausap. Hinanap ko si Olivia. Ang nakasagot ay si Lea Velorosa. Umalis daw si Olivia. Sinabi ko na meron akong importanteng kailangan dito. Ipinasa niya ang telepono kay Apsa Asmala. Kinumpirma nito na mag-asawa si Olivia at si Mahmoud Hirsh.
Dahil sa lahat ng impormasyon na ito, kami’y nakipag-ugnayan kay Sr. Supt. Franklin Gacutan ng Mayor’s Complaint and Action Team upang samahan si Edison sa ahensya.
Sa ngayon ay inaaksyunan na ang reklamong ito ni Edison. Pinakuha siya ng request letter sa kanyang abugado. Ipapakita ito sa National Bureau of Investigation (NBI) upang mailabas ang personal na records ng Al Hirsh at Babylon at kaugnayan nito. Mas madaling ayusin na lamang ninyo ang dapat ninyong bayaran kay Edison dahil baka naman ang lahat ng ito ay isang ‘miscommunication’ at wala namang intensyon na manloko itong mga ito.
(KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.
ACTION AGAD naman ang ginawa ng mga taga-MERALCO-STA. ROSA ng mabilis nilang tumugon ang pumutok na koneksyon sa isang bahay na humingi ng tulong sa amin sa Pacita Complex, San Pedro, Laguna.
Nais naming pasalamatan sina EDGARDO ACUAR at si JEFFREY NAPISA dahil wala pang 15 minutes andun agad sila at inayos ang problema mula sa poste upang manumbalik ang power sa bahay na yun. Mabuhay kayo ACUAR at NAPISA.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending