ISANG restaurant sa Pasay ang timbog sa paghahain at pagbebenta ng mga putaheng exotic animals.
Ang isinagawang operasyon noong huling araw ng Enero 2012 ay pinagsanib puwersa ng Department of Environment and Natural Resources - Protected Areas and Wildlife Bureau (pawb), Pasay City Veterinary Office at BITAG.
Ang bagong grupo ng National Bureau of Investigation-Environmental and Wildlife Protection Division (NBI-EWPD) ang ginamit na operatiba sa operasyong ito.
Nagsimula ang lahat nang lumapit sa BITAG action center ang mga tauhan ng Hingyak Restaurant. Kanilang reklamo, hindi makataong pagtrato sa kanila ng Intsik na nagmamay-ari ng nabanggit na restaurant.
Sumbong nila, pilit daw silang pinakakain ng mga expired at panis na pagkain. Walang pakundangang pagmumura at pagmamalupit tuwing magkakamali sa kanilang amo.
At ang pinakamatinding alegasyon ng mga babaeng staff, panghihipo o sexual harassment ng kanilang amo.
Subalit ang sumbong kung saan nagkainteres ang BITAG upang kami’y manghimasok, walang awang pagkatay sa mga exotic species tulad ng sawa, pawikan, sting ray, pating at iba pa para ihain sa kanilang mga kostumer.
Patago ang kanilang pag-serve dahil alam ng may-ari na ito’y ipinagbabawal ng ating batas. Ang karne ng protected and endangered animals ang specialty ng kanilang restaurant kaya ito binabalik-balikan ng mga Tsinong kostumer.
Ayon sa denr-pawb, ang paniniwala ng mga Tsino sa medicinal value ng karne ng mga endangered na hayop ang isa sa dahilan ng pagkaubos ng mga itinuturing na protected at endangered species.
Kaya’t sa ilalim ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Act, ipinagbabawal ang panghuhuli, pangangalakal at pagkain sa mga protected and endangered species ng ating bansa.
Nakakabahala ang video na ipinakita sa BITAG ng mga emple-yado kung saan bawat hayop na kinakatay sa kusina ng restaurant, buhay at pumapalag pa ang mga ito.
Kaya’t nitong huling linggo ng Enero, isang surprise inspection ang isinagawa ng DENR-PAWB, NBI-EWPD, Pasay City Veteran’s Office at BITAG sa Hingyak Restaurant.
Tanging ang manager ng restaurant ang aming naabutan. Sumambulat sa amin ang iba’t ibang karne ng exotic animals sa freezer ng restaurant.
Ang amo at nagmamay-ari ng restaurant na si William Ong, hindi namin nadatnan.
Ganunpaman, hindi pa rin lusot ang Tsinong si Ong para makasuhan ng paglabag sa R.A 9147.
Ang buong detalye ng pagsakote sa Hing yak Restaurant, abangan sa BITAG, nga-yong Biyernes ng alas 10:15 ng gabi sa TV5.