People's reaction: Ituloy ang trial

NAIS kong bigyan ng benefit of the doubt si CJ Corona. Sa nakalipas na kolum, nasabi ko na kung ako si CJ Corona, magkukusa na akong buksan ang kinukuwestyong dollar account para patunayang malinis siya at walang sala.

Sa web page ng Pilipino Star NGAYON, marami ang nagbigay ng reaksyon. Sabi ng isa:

“Kasinungalingan ang sinasabi ni Corona na wala siyang sala. Kung totoo yan ay bakit tumakbo si Corona sa Korte Suprema para harangin ang pagbubukas ng kanyang dollar accounts?”

Wika naman ng isa pa: Ang Korte Suprema ay nanggagarapal na sa paglalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa subpoena ng Senado sa naturang dollar accounts. Homecourt decision yan ano!?

Sabi naman ng organisasyong Bantay Gloria Network (BGN), mistulang hino-hostage ni Corona at ng Korte Suprema ang pagnanais ng sambayanan na lumabas ang katotohanan.

Malakas ang suporta sa Senado sa pagkontra nito sa TRO sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General. Marami ang nagsasabing di dapat sundin ng Senado ang TRO. Anang isa kong kaibigan, di dapat kilalanin ng Senado ang anumang utos ng Korte Suprema kahit pa ang katumbas ay constitutional crisis. Tutal daw, kapag nangyari iyan ay si Corona ang babagsakan ng lahat ng sisi. Sana’ nama’y huwag nang humantong sa constitutional crisis ang usapin.

Dapat magpaka-ingat ang Korte Suprema dahil ang pag­tatago ni Corona ng kanyang dollar accounts ay maihahalintulad sa “second envelope” na hindi inilabas sa impeachment trial ni Erap na nagresulta sa EDSA Dos people power.

Kinukuwestyon kasi ang hindi pagdedeklara sa SALN ni Corona ang lahat ng kanyang mga ari-arian mula 2003 hanggang 2006.

Ipinagdidiinang kuwestyonin sa impeachment court ang pagtatago ng limpak limpak na cash deposits ni CJ sa PSBank at BPI (P19M at P12 M noong 2010 lang) gayundin ang nagmamahalang condo units na hindi niya idineklara sa SALN. Sa aspeto ng teknikalidad, maaaring may katuwiran ang depensa pero pangit ang iniiwang impresyon sa isip ng mamamayan.

Sana ma-realize ng pinagpipitaganang Chief Justice na mahalagang maging transparent para patunayang hindi siya nagkasala at matapos na ang isyung ito na bumubulabog sa sambayanan. Habang may ikinukubli kasi, lalung nagngingitngit ang taumbayan. May ilan din namang feedback na pabor kay CJ na tatalakayin natin sa susunod.

Show comments