Buwan ng Pag-ibig ay ngayong Pebrero –
Pebrero Katorse ay Araw ng Puso;
Ang puso at isip di dapat maglayo
Upang ang paligid ay laging mabango!
Timyas ng pag-ibig di dapat mawala
Pagka’t lahat tayo’y dapat maniwala –
Na pag-ibig lamang tanging tanikala
Na siyang maglalapit ng kapwa sa kapwa!
Kung walang pag-ibig sa mundong ibabaw
Lahat ng gagawin ay wala ring saysay;
Ito’y parang tubig na sa munting galaw
Wari’y mga bulang lumubog-lumitaw!
Kaya ang pag-ibig dapat nasa puso
At ang pagmamahal hindi lamang tukso;
Kung hindi ganito agad mabibigo’t
Papasok sa diwa madayang pagsuyo!
Kung huwad ang ating nabuong pagsinta
Agad na luluha sinasambang mutya;
Si lalaki namang matapat ang sumpa –
Iiwan ng giliw dahil maralita!
Kaya sa pag-ibig ay dapat timbangin
Babae’t lalaking kanyang mamahalin;
Kung puso sa puso ang pag-iisahin
Ang mahalan nila’y dala hanggang libing!
Ang lahat ng tao sa daigdig ngayon
Dapat ay may pusong dakila ang layon;
Kahi’t nagbabago takbo ng panahon
Pag-ibig sa kapwa’y dapat na mausbong!
Sa panahong ito ay pag-ibig na lang
Ang dapat umiral sa sandaigdigan;
Pag-ibig na tapat sa kapwa at bayan
Ay kinikilalang dakila at banal!
Laging naririnig ating hinahanap
Naglahong pag-ibig sa sangmaliwanag;
Kung lahat lang tayo’y iibig ng tapat
Langit ay narito’t masaya ang lahat!