P50-thou raket sa General Trias
NILINAW ng munisipyo ng General Trias, Cavite na hindi pre-condition and pagkuha ng certificate mula sa ACP Solid Waste Management Corporation na nagkakahalaga ng P50,000 para makakuha ng business permit sa bayan nila. Ayon kay Romel Olimpo, officer-in-charge ng Eco. Enterprise & Investment ng General Trias ang hinihingi lamang nila ay ang dagdag na requirement kapag ang negosyo ay tungkol sa disposal of scrap o waste material at yan ay ang kopya ng certificate of non-coverage/ Environment Compliance Certificate galing sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Homeowners Certitification kung ang business ay matatagpuan sa loob ng subdibisyon. “We do not require any other document aside from those mentioned and listed in our application form for business permit,” ani Olimpo sa kanyang sulat para linawin ang isyu. O hayan, maliwanag na hindi kasali ang munisipyo ng General Trias dito sa pakulo ni Mr. Alex Penalba, ang operator ng sanitary landfill sa Trece Martires City.
“We would like to assure all business owners and investors that our local government continues to implement innovative programs that foster a business - friendly environment and make securing permits easy and convenient. Our dedicated employees also continue to endeavor giving quality public service to our clients,” dagdag pa ni Olimpo sabay hikayat sa mga nagrereklamong negos-yante na handa siyang makipag-diyalogo sa mga ito “to shed light into the issue.”
Ang isyu ay nag-ugat sa mga reklamo ng negosyante sa General Trias na sa kanilang pag-apply ng business permit, sinabihan sila ng empleado ng munisipyo na kailangan nilang makakuha muna ng certificate mula kay Penalba bago makuha nila ang business permit nila. At magbabayad sila ng halagang P50,000 na masyadong makaaapekto sa kanilang bulsa. Dati-rati naman kasi, hindi ito requirement ng munisipyo at ang dagdag gastos ay malaking dagok sa negosyo nila na humihina dahil sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa. Kahit may paglilinaw pa si Gng. Olimpo rito, marami sa mga nakausap ko ang nagsasabing nakabinbin pa ang permit application nila sa General Trias dahil sa kawalan ng certificate mula sa opisina ni Penalba. Si Penalba pala ay kamag-anak ng mataas na opisyal ng bayan ng General Trias. Magkakutsaba kaya si Penalba at kamag-anak niya sa P50,000 raket na ito?
Habang naghuhugas-kamay ang munisipyo ng Ge-neral Trias sa raket na ito, tahimik naman si Penalba, ang signatory ng isang pahinang sulat ukol sa accreditation for disposal na nagkakahalagang P50,000 at hauling fee na P4,000. At wala pang reaction ang opisina ni Cavite Gov. Junvic Remulla ukol sa mga reklamo ng negosyante. Bakit kaya? Abangan!
- Latest
- Trending